MANILA, Philippines- Gamit ang karanasan bilang dating alkalde ng Tagaytay at chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), iginiit ni senatorial candidate at Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na mahalaga ang lokal na pamahalaan sa epektibong paghahatid ng serbisyong panlipunan.
Ayon kay Tolentino, naging gabay sa kanyang mga panukalang batas ang paghawak niya sa lungsod ng Tagaytay at sa Metro Manila, lalo na sa mga usapin tulad ng kalusugan, kabuhayan, trapiko, at kahandaan sa sakuna.
Kabilang sa mga tinutukan niya sa Senado ang Magna Carta para sa mga Barangay Health Workers, ang paglalagay ng Cooperative Development Officers sa bawat LGU, at ang pagpapalakas ng disaster management offices.
Katuwang din siya sa pagsusulong ng batas na nagbibigay ng awtomatikong income classification sa mga LGU upang mapalakas ang kanilang kakayahang ekonomiko.
Bukod dito, tinutukan din niya ang mga makabago at mabisang solusyon sa trapiko, gaya ng smart traffic light systems na naipatupad na sa ilang lungsod tulad ng Dumaguete, Naga, at Roxas, at mga lalawigan ng Cavite at Laguna.
Paalala ni Tolentino, piliin ang mga kandidatong may malinis na record, malinaw na plataporma, at tunay na layuning makapaglingkod sa publiko. RNT