Umabot sa 761 indibidwal ang inilikas sa kanilang mga tahanan at inilipat sa pansamantalang matutuluyan sa iba’t-ibang evacuation sites sa Las Piñas dahil sa idinulot na baha ng Bagyong Enteng nitong Lunes, Setyembre 2.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Las Piñas, iniulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na 43 pamilya na knabibilangan ng 150 indibidwal sa Barangay Talon Tres ang dinala sa Carmencita Covered Court habang 131 indibidwal na katumbas ng 29 na pamilya naman mula sa Talon Kuatro ang pansamantalang nanunuluyan sa Pagtakhan covered court.
Bukod dito, mayroon din na 110 pamilya na kinabibilangan ng 435 indibidwal sa Pamplona Tres ang inilikas at kasalukuyang nanunukuyan sa Verdant Covered Court at 45 indibidwal sa 17 pamilya naman ang nasa Manuyo Dos covered court.
Personal namang binisita ni Las Piñas City Vice Mayor April Aguilar ang mga evacuees upang kanyang mamonitor ang kondisyon ng mga ito at mapagkalooban ng kanilang pangangailangan.
Kasabay nito ay namahagi din si Aguilar ng relief goods sa mga naapektuhang pamilya ni Bagyong Enteng. (James I. Catapusan)