Home NATIONWIDE Sakit na nakukuha sa ihi ng daga muling ibinabala!

Sakit na nakukuha sa ihi ng daga muling ibinabala!

Muling nagbabala ang Department of Health (DOH)sa publiko laban sa sakit na leptospirosis sa gitna ng pagbuhos ng malakas na ulan dulot ng bagyong Enteng.

“Madumi ang tubig baha. Iwasan hanggat kaya. Hugasan ang katawan ng tubig at sabon pagkaahon. Anuman ang dahilan, basta napalusong, kahit walang sugat o nararamdaman, kumonsulta agad sa doktor o health center sa loob ng 1-2 araw,” babala ni Health  Secretary Teodoro J. Herbosa.

Ang pinakahuling epidemiologic data ay nairehistro na ang pagtaas ng mga kaso ng Leptospirosis kasunod ng mga pagbaha ng Bagyong Carina at Habagat.

Noong Agosto 17, 2024, may kabuuang 3,785 na kaso ang naitala sa buong bansa. Bagama’t ito ay 5% lamang na mas mataas kaysa sa 3,605 na mga kaso na naiulat sa parehong panahon noong nakaraang taon — ang DOH ay nagbabala na ang pag-ulan ay nagdudulot ng mga baha na humahantong sa Leptospirosis.

Mula Hulyo 7-20, 251 na kaso lamang ang naitala. Umakyat ito ng halos limang beses sa 1,184 mula Hulyo 21 hanggang Agosto 3 (kasagsagan ng Bagyong Carina at Habagat).

Habang ang bilang ay bumaba na sa 699 na kaso mula Agosto 4 hanggang 17, inaasahan ng mga epidemiologist ng DOH na,  walang wastong pag-iingat tulad ng prophylaxis, malamang na tataas muli ang bilang ng mga kaso dahil sa mga baha na dala ng T.S. Enteng.

“Mayroon pa ring antibiotic prophylaxis (pag-iwas), at libre ang konsulta at reseta sa government health center. Naka price-freeze pa rin ang mga gamot kasama ang Doxycycline sa mga lugar na tinamaan noon ng bagyong Carina, hanggang September 23. Kumonsulta po tayo,” paalala ng kalihim ng Kalusugan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)