MANILA, Philippines – Mahigit 89,000 deboto ang nagtungo sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church para dumalo sa oras-oras na Fiesta Masses para sa Pista ng Hesus Nazareno ngayong Huwebes, Enero 9.
Ayon kay Nazareno 2025 at Quiapo Church spokesperson Fr. Robert Arellano, ang crowd tally ay sinimulan alas-3 ng hapon nitong Miyerkules kung kailan nagsimula ang mga Fiesta Mass.
“Ayon sa ating command center, tayo ay nakakapagtala na ng mahigit-kumulang 89,000 na mga deboto na nagsimba dito sa loob ng Quiapo Church,” sinabi ni Arellano, sa panayam ng GMA News.
“Kung pagbabasehan naman natin ‘yung mga naganap na gawain sa Quirino Grandstand, mahigit 1 milyong mga deboto ang naitala natin,” dagdag pa niya.
Nagpaalala naman si Arellano na hindi kokondenahin ng simbahan ang mga mananampalataya kung saang lugar man nila nais na gunitain ang Kapistahan basta’t sila’y mananatiling banal at mabuting tao.
“Kahit saan o anumang gawain ang kanilang pinupuntahan at sila’y nagpa-participate, ang pinakamahalaga dito ay ang pagbabago ng kanilang puso kung saan sila mas nakikita nilang mas magiging banal sila. Hindi natin kinokondena kung sila man ay dumalo sa Quirino Grandstand or magsimba dito sa Quiapo, basta may pagbabago sa kanilang sarili. Io ang ikinagagalak namin,” sinabi pa niya.
Ang Fiesta Misa Mayor ay isinagawa madaling araw sa Quirino Grandstand na pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, Jr.
Sa homily, hinimok ni Advincula ang mga deboto ng Hesus Nazareno na sundan ang mga turo ng Panginoong Hesus laban sa mga tukso.
Ang pagpapasakop sa pera, bisyo, at mga masasamang gawain ay nagdudulot lamang umano ng pagkabigo at pagkabalisa. RNT/JGC