MANILA, Philippines- Tinatayang nasa mahigit P17 milyong halaga ng High-Grade “Kush” Marijuana ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark makaraang mabuking ito na nakapalaman sa loob ng dalawang piraso ng “One Seat Sofa”.
Nabatid sa BOC, dumating ang nasabing shipment noong Agosto 6, 2024 at idineklara na naglalaman ng dalawang one seat sofa kung saan isinailalim ito sa pisikal na inspeksyon makaraang irekomenda ng X-ray Inspection Project ng BOC at K-9 sniff test.
Sa isinagawang pagsusuri ay nabuking ang nasa 23 transparent plastic sachet o halos 10.5 kilo na mga tuyong dahon na pinaghihinalaang high-grade na marijuana o kilala rin bilang “Kush”.
Ang mga nakuhang sample ay agad itinurn-over sa PDEA para sa chemical laboratory analysis, na nagkumpirma na ang mga nasabing substance ay marijuana na isang mapanganib na gamot sa ilalim ng R.A. Blg. 9165, gaya ng sinusugan.
Isang Warrant of Seizure and Detention ang inisyu para sa kargamento dahil sa paglabag sa Seksyon 118(g), 119(d), at 1113 paragraph f, i, at l (3 at 4) ng R.A. No. 10863, na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), na may kaugnayan sa R.A. No. 9165. JAY Reyes