Home METRO Kelot na nagtangkang tumalon sa footbridge nasagip ng BFP, MPD

Kelot na nagtangkang tumalon sa footbridge nasagip ng BFP, MPD

MANILA, Philippines- Magkatuwang na nailigtas ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang isang lalaki na nagtangkang magpatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon mula footbridge sa P Campa sa Sampaloc, Manila nitong Biyernes ng umaga.

Sa inisyal na ulat ng MPD Barbosa Police Station 14, kinilala ang lalaki na si Ronnie Boy Santos, 41-anyos, isang construction worker at taga-Angeles City, Pampanga.

Ilang minuto rin ang itinagal ng negosasyon sa pagitan ng lalaki at mga tauhan ng MPD para sa mas ligtas na rescue operation.

Nakaabang din ang ilang tauhan ng MPD at BFP sa baba at nakahanda ang kanilang pansalo sakaling magpatuloy ang lalaki sa kanyang pagtalon.

Habang kinakausap at nililibang ng pulisya si Santos, may mga tauhan din ng BFP na umakyat sa bubong ng tulay at kinukumbinsi rin ang lalaki na huwag gawin ang kanyang pagtatangka.

Nang makakuha ng tiyempo, agad na hinatak ng tauhan ng BFP ang braso ng lalaki kaya ito nakuha at naibaba nang ligtas.

Hindi pa batid kung ano ang dahilan ng tangkang pagpapatiwakal ng lalaki o kung may pinagdadaanan itong mabigat na problema o depresyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden