Home METRO P9.6M marijuana nasabat sa buy-bust

P9.6M marijuana nasabat sa buy-bust

Arestado ng pinagsamang pwersa ng Intelligence and Foreign Liaison Division (IFLD), Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP DEG), Special Operation Unit-National Capital Region (SOU-NCR), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang suspek matapos ang isinagawang buy-bust operation sa KM17 Drive and Dine NLEX Southbound Brgy. Canumay West, Valenzuela, kung saan nakuha ang mahigit P9 milyong halaga ng marijuana. Jojo Rabulan

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa P9.6 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam sa isang drug suspect matapos maaresto ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City.

Kinilala ang naarestong suspek na si alyas Ritchie, 49, residente ng Lauan St., Woodsville Subdivision, Camp 7 Baguio City.

Ayon sa ulat, nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng mga operatiba ng Intelligence and Foreign Liaizon Division (IFLD) ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-PDEG) at napagkasunduan umano ng mga ito na sa NLEX Valenzuela gaganapin ang transaksyon.

Kasama ang SOU-NCR, agad ikinasa ng PNP-PDEG ang joint buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa KM17 Drive and Dine NLEX Southbound Brgy., Canumay West, dakong alas-9 ng gabi.

Nakumpiska sa suspek ang 80 pirasong brown rolled masking tape na naglalaman ng humigit-kumulang 80,000 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may estimated value na P9,600,000, buy-bust money na isang genuine P1,000 bill at bundles ng P1,000 boodle money, cellphone, IDs, dalawang ATM cards, brown shoulder bag at isang kulay asul na Toyota Vios.

 

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Rene Manahan