Home METRO Higit P17M ismagel na sigarilyo, nasabat sa Sulu

Higit P17M ismagel na sigarilyo, nasabat sa Sulu

MANILA, Philippines – Nasabat ng pulisya ang mahigit P17 milyon halaga ng ismagel na mga sigarilyo sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Sulu.

Ayon kay Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office in Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), nasa P5.6 milyong halaga ng ismagel na sigarilyo ang nasamsam sa Patikul matapos na isumbong ng isang residente sa mga awtoridad ang tungkol sa mga kontrabandong ibinababa sa isang coastal barangay.

Naabutan ng mga operatiba ang isang lalaki na nagbabagsak ng nasa 97 kahon ng kontrabandong sigarilyo na pinaniniwalaang mula sa Malaysia.

Inaresto at naka-ditene ang hindi tinukoy na lalaki.

Samantala, noong Miyerkules ay arestado naman ang dalawang menor de edad sa Barangay Kajatian, Indanan matapos makuhanan ng 210 kahon ng assorted na ismagel na sigarilyo.

Nagkakahalaga ito ng mahigit P12 milyon.

Ani Tanggawohn, nasa kustodiya ng Indanan police ang mga menor de edad habang itururn-over sa Bureau of Customs ang mga nakumpiskang kontrabando. RNT/JGC