MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) – Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nasa P2.25 milyon halaga ng high-grade marijuana o kush mula sa anim na parcel makaraang magsagawa ng inspeksyon sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.
Ayon sa BOC, katuwang nila ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) nang madiskubre nila ang nasa 1,502 gramo ng kush na nakatago sa loob ng mga padala. Sa isinagawang pisikal na pagsusuri, tinatayang aabot sa P2,253,800 ang halaga ng nasabing high-grade marijuana.
Itinurn-over na sa PDEA ang mga nakumpiskang gamit para sa karagdagang imbestigasyon at pag-aayos ng kaso. Ang mga indibidwal na nauugnay sa mga shipment ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Muling pinagtibay ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang pangako ng ahensya sa kampanya ng pambansang pamahalaan laban sa ilegal na droga, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa hangganan at pigilan ang pagpasok ng iligal na droga. Idiniin niya na ang Bureau ay nananatiling matatag sa pagharang sa lahat ng uri ng kontrabando sa mga daungan ng pagpasok ng bansa.