MANILA, Philippines – MAHIGIT sa P3 milyong halaga ng shabu at isang baril ang nakumpiska mula sa arestadong drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation kahapon, Enero 13 iniulat sa Malabon City.
Batay sa ulat mula sa tanggapan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan nakilala ang naarestong suspek na si alyas “Mark”, 41, Casino Agent at residente ng Tolentino St., Brgy., 88, Caloocan City.
Matapos na magpositibong ang impormasyong natanggap ni Col. Baybayan, isinagawa ang buy bust operation hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ng suspek.
Nagpanggap na buyer ang isang miyembro ng SDEU at nakipagtransaksyon sa suspek ng P30,000 halaga ng shabu.
Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer ay agad siyang dinamba ng mga operatiba ng SDEU dakong alas-10:30 ng gabi sa Mango Road corner Nangka St., Brgy. Potrero.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 535 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P3,638,000.00, isang caliber .45 baril na may isang magazine na kargado ng limang bala at buy bust money na isang tunay na P1,000 at 29-pirasong P1,000 boodle money.
Sasampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of R.A. 9165 at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearm and Ammunition in relation to BP 881 Omnibus Election Code. Merly Duero