MANILA, Philippines – NAGDADALAWANG-isip na ang mga politiko na suportahan ang impeachment laban kay Vice-Presidente Sara Duterte.
“Totoo naman na medyo nagdadalawang isip ang mga pulitiko na suportahan ang pagpapanagot kay Vice President Duterte,” ayon kay Teddy Casino, chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan at isa sa nagpahayag ng pagsuporta sa impeachment laban kay VP Sara.
Sinabi ni Casino na hindi ito ang unang pagkakataon na ang impeachable official ay nagkaroon ng malaking rally para pigilan ang impeachment, tinukoy ang kaso ni dating Pangulong Joseph Estrada, sabay sabing “it did not stop the House from doing its duty.”
Ani Casino, hindi dapat tumitingin ang mga mambabatas sa laki ng bilang ng crowd kundi dapat aniya ay sa ebidensiya kung ang isang impeachable official ay ‘niloko’ ang tiwala ng publiko.
Aniya pa, tatlong impeachment complaints ang nakahain laban kay VP Sara ang “patalbog-talbog” ngayon sa antas ng House secretary-general hanggang maubos na ang oras dahil sa napipintong pagsisimula naman ng opisyal na campaign period para sa 2025 midterm elections.
“Kakaiba…Ministerial lang ‘yan, dapat automatically pinapasa na sa Office of the Speaker,” aniya pa rin.
Sa ilalim ng rules of impeachment, mayroon lamang 10 araw ang Speaker para ipadala ang impeachment complaint sa committee on rules.
Nauna rito, sinabi ng House Secretary-General na hinihintay nito ang pang-apat na impeachment complaint bago pa ipadala ang reklamo kay Speaker Martin Romualdez.
Samantala, inamin naman ni Casino na ang mapayang rally na dinaluhan ng mahigit milyong miyembro Iglesia ni Cristo (INC) ay maaaring nagamit para hikayatin ang ilang mambabatas na pag-isipang mabuti ang usapin ng impeachment.
Sa pagtatapos ng araw, dapat na gamitin ng mga mambabatas ang kanilang “conscience and sense of justice” to decide whether or not to back the impeachment.” Kris Jose