MANILA, Philippines- Arestado ang dalawang drug suspects na itinuturing High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng maigit P4 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana at kush sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles ang mga naarestong suspek na sina alyas “Lester”, 21, ng Sto Tomas Village 7 Ext. Deparo at alyas “Luigi” 27, ng Mentors Village Subdivision.
Ikinasa ng mga tauhan ni P/Lt. Restie Mables, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police, katuwang ang mga tauhan ng Police Sub-Station 10 ang buy-bust operation matapos magpositibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga suspek.
Kagaad dinamba ng mga operatiba ng SDEU ang mga suspek matapos tanggapin ang P13,500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang bloke ng high grade marijuana o kush dakong ala-1:35 ng madaling araw sa Block 2, Lot 20 Mentors Village Subdivision, Brgy. 175 sa naturang lungsod.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang 36,530 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may katumbas na halagang P4,383,600 at 50 gramo ng high grade marijuana (kush) na nagkakahalaga ng P75,000.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan ang Caloocan police sa kanilang matagumpay na operation.
“Ang kampanya ng NPD laban sa ilegal na droga ay nananatiling matatag. Ang tagumpay na ito ay patunay ng dedikasyon namin sa pagsugpo sa mga ilegal na gawain para sa kaligtasan ng ating mga komunidad,” pahayag niya.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Section 11 at Sec 26 Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 ang mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. Rene Manahan