MANILA, Philippines – “Kapag gusto, maraming paraan; kapag ayaw, maraming dahilan.”
Ito ang ipinahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasabay ng pagbida nito na nakapagtala ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng mahigit P552 milyon na koleksyon mula sa mga buwis na nakalap mula sa negosyo, lisensya, at permit sa unang 100 araw sa ilalim ng kanyang pamumuno — bunga ng mas mabilis na pag-apruba ng permit at mas mahigpit na pamamahala sa pananalapi.
Sa kanyang isinagawang ulat para sa unang 100 araw ng panunungkulan bilang alkalde ng Maynila, inihayag ni Domagoso na ang muling pagbubukas ng Electronic Business One-Stop Shop (E-BOSS) ay nag-ambag sa mas mabilis na oras ng pagproseso ng mga permit.
Nabatid kay Domagoso na ang mga renovation at fit-out permits ay naaaprubahan sa loob lamang ng isa hanggang tatlong araw, habang ang mga permit para sa residential, commercial, institutional, at industrial construction ay tumatagal ng tatlo hanggang limang araw.
Maging ang bilang ng mga requirements na kinakailangan sa zoning ay binawasan din — mula sa 22 ay nasa pito na lamang na aplikasyon, at mula 15 ay nasa lima na lamang ang para sa appeals. Layon ng nasabing hakbang na pasimplehin ang pagsunod para sa mga negosyo at developer.
Ayon kay Domagoso, nakakolekta ng P141.6 milyon ang general tax amnesty program na ipinatutupad ng lungsod mula sa mga delinquent taxpayers.
Ang kita mula sa mga bagong aplikasyon ng business permit ay tumaas nang malaki, umabot sa kabuuang P58.9 milyon mula Hulyo hanggang Setyembre 2025, kumpara sa P18.9 milyon sa parehong panahon noong 2024 — pagtaas ng mahigit 300 porsiyento.
Sa ulat pa ng alkalde, nakapagtala sila ng 12,752 bagong trabaho at nakaakit ng P7.1 bilyon na pamumuhunan. Ang mga bayarin na nakolekta mula sa mga street vendor ay tumaas sa P10.13 milyon kumpara sa P7.09 milyon sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Nakakolekta rin ang lungsod ng P23.6 milyon mula sa zoning-related fees mula sa 350 kliyente, kabilang ang mga restaurant, bangko, ospital, at sinehan. Bukod dito, ang mga buwis ng mga kontratista mula sa mga flood control projects sa pagitan ng 2022 at 2025 ay umabot sa P131 milyon.
Ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ay nag-ulat na umabot sa P37.6 milyon ang nakolekta, kumpara sa P30.7 milyon noong nakaraang taon.
Inihayag din ni Domagoso na ang lungsod ay nagbayad ng P3.1 bilyon na hindi pa nababayarang obligasyon mula sa kabuuang P10.24 bilyon noong Hunyo 5, 2025. Kabilang sa mga binayaran ay ang P582.9 milyon para sa mga gamot, P57.78 milyon para sa kagamitang medikal, P131.56 milyon para sa paghakot ng basura, at P1.47 bilyon para sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Binigyang-diin ng alkalde na ang mga nakaraang problema sa pananalapi ay dulot ng maling paggamit ng pondo kaysa sa mismong pagseserbisyo sa mga utang na natamo para sa pagpapaunlad ng imprastraktura. Jay Reyes