MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang dalawang parcel na naglalaman ng mahigit P7 milyong halaga ng hinihinalang ecstacy sa Port of Clark in Pampanga.
Ayon sa Bureau of Customs (BOC), ang kargamento ay orihinal na idineklara bilang car mats na nagmula sa Austria at patungong Davao City sa ilalim ng parehong consignee.
Sa kabila nito, sa physical examination ay tumambad ang kabuuang 4,124 ecstasy tablets, na nagkakahalaga ng P7,040,125.
Sinabi ng customs personnel na ang inspeksyon ay isinagawa matapos na punahin ng X-ray team ng BOC ang parcel dahil sa kahina-hinalang mga imahe.
Sa pagsusuri, ang unang parcel ay naglalaman ng 2,693 ecstasy tablets na may tinatayang halaga na P4,591,275, habang ang ikalawang parcel ay mayroong 1,431 ecstasy tablets at nagkakahalaga ng P2,448,850.
Nagpositibo sa illegal na droga ang nakumpiskang mga tableta ngunit ipinadala pa rin sa PDEA para sa confirmatory laboratory examination.
Mag-iisyu ang BOC ng warrant of seizure and detention para sa mga parcel sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act. RNT/JGC