Home METRO Higit P81-M tobats nasabat sa bigtime tulak sa Pasay

Higit P81-M tobats nasabat sa bigtime tulak sa Pasay

213
0

MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Sub-Station 10 (MOA) ng Pasay City Police ang isang high-value individual (HVI) matapos itong sitahin at makumpiskahan ng mahigit P81-milyon halaga ng shabu Martes ng gabi, Enero 13.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang nadakip na suspek na si alyas Farhanie, 26, tubong Iligan City at residente ng Lower Bicutan, Taguig City.

Base sa report na isinumite ni De Sesto kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo, naganap ang pagdakip kay alyas Farhanie bandang alas-11:00 ng gabi sa harap ng Giligans Restaurant, SM By the Bay, Barangay 76, Pasay City.

Ayon kay De Sesto, nakatanggap ng impormasyon ang Sub-Station 10 mula sa Philippine Drug Enforcement Group-Special Operations Unit 3 (PDEG-SOU 3) na may isang babae na magtatangkang magdeliver ng shabu sa SM By the Bay, Seaside Boulevard, Pasay City.

Sinabi ni De Sesto na matapos makuha ang naturang impormasyon ay agad na tinungo ng mga tauhan ng Sub-Station 10 sa ilalim ng pamumuno ni P/Capt. Ramil Antonio, Jr. ang nasabing lugar.

Sa isinagawang operasyon sa ilalim ng superbisyon ni De Sesto, namataan ang suspek na may dalang dalawang kulay-berde na eco-bag na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga, na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Sa patuloy na inspeksyon sa dalawang eco-bag, nadiskubre ang anim na pirasong malaking heat-sealed vacuum plastic bags na naglalaman ng tig-dalawang kilo ng hinihinalang shabu, na may kabuuang 12 kilo at nagkakahalaga ng P81,600,000.

Dinala ang suspek sa Sub-Station 10 para sa dokumentasyon at isinailalim sa physical examination sa Pasay City General Hospital (PCGH) bago ito inilipat sa kustodiya ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), kung saan pansamantala itong nakapiit.

Ang mga narekober na ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sa laboratory examination.

Nahaharap ang suspek sa paglabag sa Sec. 11, Art. II ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni Arceo ang Pasay City Police sa pagkakadakip ni alyas Farhanie at sinabi nitong ipagpapatuloy ng kapulisan ang pagtugis sa mga suspek na sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan dahil sa paggamit ng ilegal na droga.

(James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here