Home METRO Higpit-seguridad pinairal para sa sa Traslacion

Higpit-seguridad pinairal para sa sa Traslacion

MANILA, Philippines- Pinalakas ang seguridad sa paligid ng Quiapo Church bago ang Traslacion sa Enero 9.

Kabilang dito ang paglalagay ng mga bakal na bakod sa paligid ng Plaza Miranda para sa crowd control habang nananatili ang entrance sa Simbahan sa Villalobos Street.

Tinakpan at inayos na rin ang mga sirang kalsada na daraanan ng ruta ng prusisyon habang ang mga nagtitinda ay pinaalis upang mabawasan ang mga sagabal sa daan.

“Sa tulong po ninyo, gawin nating banal, ligtas at maayos ang Nazareno 2024,” sabi Quiapo Church Spokesperson Father Hans Magdurulang.

Pagdating sa seguridad, maaari ring magkaroon ng signal jam sa ruta at malapit sa Quiapo Church.

Pinaalalahanan ng Philippine National Police ang mga deboto na bawal ang backpack, bullcaps, liquid canister, at matutulis na bagay sa panahon ng prusisyon.

Hinimok din ng Simbahan ang mga deboto na magdala ng kapote na gagamitin sakaling umulan sa araw ng prusisyon dahil hindi pinapayagan ang payong.

“Hindi natin inaasahan kung sa bag yan mahulog may makakaapak magkakaroon ng injury,” ayon kay Plaza Miranda PCP Commander Police Captain Roel Robles.

Ang mga taong may kapansanan at may mga karamdaman ay hinimok din na huwag nang lumahok.

Magsisimula ang “pahalik” sa Enero 6 pagkatapos ng 6 p.m. na Misa, habang ang pagbababasbas sa  Black Nazarene replicas ay gaganapin ng ala-1:30 ngayong Enero 3 hanggang alas-4 ng hapon.

Susundan ito ng maiksing prusisyon sa kahabaan ng Quezon Boulevard.

Magsisimula ang prusisyon o Traslacion sa Enero 9 sa Luneta Grandstand matapos ang Misa ng alas-4 ng umaga. Jocelyn Tabangcura-Domenden