MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Manila International Airport Authority nitong Martes ang mga biyahero na may flight papunta at mula Tokyo Haneda Airport (HND) na bantayan ang kanilang flight status kasunod ng pagsasara ng HND runways dahil sa nasunog na eroplano.
Sa isang Facebook post, sinabi ng MIAA na naghihintay ng clearance ang Philippine Airlines flight PR424 at Japan Airlines flight JL78, habang inilihis ang Nippon Airways flight NH870 sa Kansai Airport (KIX).
Sinaraduhan ang HND runways matapos magliyab ng Japan Airlines flight A350 kasunod ng pagsalpok sa Japan Coast Guard aircraft sa Haneda Airport nitong Martes ng hapon dakong alas-6.
Bagama’t ligtas ang 367 pasahero at 12 crew members ng Japan Airlines flight, lima sa anim na crew members ng Coast Guard aircraft ang naiulat na nasawi sa insidente.
Nakatakda umanong maghatid ng tulong ang aircraft sa west coast ng Japan dahil sa magnitude 7.6 na lindol na tumama nitong araw ng bagong taon. RNT/SA