MANILA, Philippines- Sumalubong sa mga residente ng Metro Manila ang makapal na smog sa unang mga oras ng 2024, dulot ng mga paputok na ginamit sa pagsalubong sa bagong taon, ayon sa environment officials nitong Martes.
Sinabi ng Department of Environment and Natural Resource’s Environment Management Bureau (DENR-EMB) na na-monitor ang mataas na lebel ng toxic fine particles sa hangin sa pagitan ng alas-12 ng hatinggabi at alas-2 ng madaling araw nitong Enero 1.
“Yung particles mismo and gases coming from firecrackers contain toxic materials po or toxic heavy metals,” pahayag ni DENR-EMB Air Quality Section chief Jundy del Socorro. “Sila yung nagbibigay ng ilaw sa mga paputok.”
Nagbabala ang DENR-EMB na hanggang 35 µg/m3 lamang ng fine particles ang dapat mayroon sa hangin subalit naobserbahan ang pagtaas nito sa ilang lugar.
Subalit, bumuti na sa normal na lebel ang air quality sa ilang lungsod sa Metro Manila hanggang nitong martes, batay sa datos ng DENR-EMB.
Nauna nang nagbabala ng Department of Health na delikado ang smog sa mga indibidwal na mayroong allergic rhinitis, hika, at chronic obstructive lung disease.
Dagdag pa ng DENR-EMB, nakasasama rin ang paggamit ng paputok sa kapaligiran at sa mga hayop.
“Due to combustion meron ding carbon monoxide both not good for environment and human health, respiratory and heart problems,” ani Del Socorro. “Hindi lang sa halaman, pati sa animal.”
Umaasa ang DENR-EMB sa mahigpit na pagpapatupad ng firecracker ban sa bansa. RNT/SA