
MARAMI lalo ang nainis sa Malacañang nang ipahayag ng tagapagsalita nito na si Undersecretary Claire Castro na handa ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na labanan ang mga senador na “obstructionists”.
Hindi pa man nagsisimulang magtrabaho ang mga nanalong senador ay pinahagingan na ng Palace Press Officer na dalawang klase ang mga inaasahan ng Palasyo na posibleng hindi magiging kakampi ng administrasyon – “oppositionists” at “obstructionists”.
Gayunman, nilinaw ni Castro na “welcome” kay Pangulong Marcos ang mga nanalong senador nitong nakaraang midterm elections subalit hindi nakaligtas sa pahaging ng undersecretary na lalabanan ng nasa administrasyon o ng pamunuan ni PBBM ang mga obstructionists na sinasabi niyang ang hangad ay para sa sariling kapakanan lang.
Teka, alam ba ni Auntie Claire ang kanyang sinasabi? Dapat alam niyang nakasisira ito lalo sa pamumuno ni Pangulong Bongbong.
Kasi nga, hindi pa naman nagsisimula sa panunungkulan itong mga nanalong senador, kaagad na may nasasabi na itong tagapagsalita ng Palasyo.
Halata namang ang parinig ni Castro ay ukol sa mga kandidatong ikinampanya ni Vice President Sara Duterte kaya nanalo.
Eh bakit nga? Tell me! (Charot)
Kasi nga may klasipikasyon pa siya ng mga nanalong senador kung saan sinabi niya na ang mga oposisyon ay ipinaglalaban ay interes ng taumbayan at ng bayan habang ang mga obstructionist ay ipinaglalaban lang ang personal na pakinabang.
Pero dapat, wala nang parinig sa magkabilang panig – oposisyon at administrasyon, upang matahimik na ang anomang isyu sa pulitika.
Kaya naman may ilang neutral na humiling na magtulungan ang magkabilang panig at tapusin na muna ang pulitika upang sa ganoon ay susundan sila ng mga mamamayan para na rin sa kapakanan at pag-asenso ng bayad.
Ipakita sana ng Malakanyang ang kahandaan nitong magpatawad sa nakaraan at kalimutan na ang away pulitika.
Walang mawawala kay Pangulong Marcos kung ito ang unang gagawa ng hakbang bilang “ama ng bansa” upang magkasundo ang magkabilang kampo. Sa halip, baka ito pa ang maging daan para sa todo-todong paghanga at suporta ng mamamayan sa kanyang panunungkulan.
At higit sa lahat, dapat ay patigilin na ang Presidential Communications Office sa pagpapalabas ng kung ano-anong pahayag na sa halip na makaganda ay siyang sumisira sa magandang pagtitinginan ng mga mamamayan dahil nahahati ang damdamin ng mga ito sa mga lumalabas na balita.