Home OPINION MAGBAGO PAGKATAPOS MANALO

MAGBAGO PAGKATAPOS MANALO

WALANG dudang landslide ang pagkapanalo ni Mayor Joseph “JB” Bernos ng La Paz, Abra bilang bagong kongresista ng probinsya. Nakagugulat ang aabot sa 115,000 boto na lamang niya sa kanyang kalaban.

Ilang linggo bago ang eleksyon, buo ang kumpyansa ni Bernos na makauupo siya sa Kongreso. Ang nakababahala lang ay sinabi niya ito sa gitna nang matinding galit — na malinaw na napakinggan sa audio clip na nag-viral sa social media — nang murahin, pagalitan, at bantaan niya ang DZRH correspondent reporter na si Romeo Gonzales.

Ngayong nakakopo si Bernos ng 137,542 boto (hanggang nitong Mayo 13) — sa kabila ng nakakatakot at nakababastos na tawag niya kay Gonzales — dapat nang umiwas ang alkalde, na malapit nang maging mambabatas, sa mga mumunting asunto at magdagdag ng pasensya at respeto sa ‘press freedom’ upang maging mas karapat-dapat sa mga botong kanyang natanggap.

Ang maging mapagkumbaba at pagkakaroon ng makatwirang pag-iisip ay isang maliit na pakiusap sa kanya — isang pangunahing kaugalian na karaniwan sa Kongreso — para makabawi sa 19 na beses na idinamay ang ina ni Gonzales para mainsulto ito at sa siyam na “gago” na pinaulan niya sa kanilang pag-uusap. Kung susumahin, aabot sa 28 ang kabuuang bilang — o isang insulto sa bawat 4,912 ng kanyang mga tagasuporta — hindi ang klase ng pasasalamat na inaasahan ng mga botante mula sa kanya.

Nagbabago bilang sa Senado

Unti-unti nang nangungusap ang mathematics ng Senado — at hindi maganda ang ipinahihiwatig nito para sa mga umaasa sa pagtatapos ng political career ni Vice President Sara Duterte.

Maaaring natalo siya sa Kamara, pero agad na lilipat ang kwento sa Senado, kung saan kakailanganin ng 16 na boto para makapag-convict. At akalain n’yo? Pasimpleng naiaangat ng kanyang kampo ang kanyang mga bilang — limang maliliwanag na loyalista, ilan pang may utang na loob, at iba pa na gusto lang makaiwas sa kaguluhan.

Kung maaasahan at ikokonsidera ang mga ito — Go, Dela Rosa, Marcoleta, Marcos, Padilla, mga Villar, mga Cayetanos, ang Estrada/Ejercito — hindi na aabot pa sa ‘conviction’ ang kaso niya. At kung paniniwalaan ang ‘trend’, ang paglilitis ng aktuwal na impeachment ay maaaring magtapos, hindi sa nakakabiglang resulta, kundi sa simpleng pagkikibit-balikat.

Maaaring kampo ng mga Marcos ang nagsimula ng gulong ito. Pero sa pagpapatunay muli ng kanilang impluwensya — at sa pangungunyapit ng kanilang ama sa rehas — mistulang malayo pa ang ating lalakbayin.

Hindi ako ‘yung tipong papanigan si Inday Sara habang sinasagot niyang isa-isa ang matitinding katanungan tungkol sa naging paggastos niya sa pera ng taumbayan.

Pero bakit nga ba hindi na ako nagulat? Kung anoman, ganyan ang pulitika sa Pilipinas: kapag gumalaw ang mga numero, at palapit na muli ‘tipping point’, at magbabago na namang muli ang kapangyarihan.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).