Home OPINION HINDI KA OKEY, DOK!

HINDI KA OKEY, DOK!

NAGPASABOG si Sen. JV Ejercito tungkol sa sabwatan ng isang pharmaceutical company at mga doktor kung saan nagrereseta ang mga doktor ng mga gamot ng drug company na hindi naman talaga kailangan ng mga pasyente. Nanawagan ng imbestigasyon si Ejercito dahil parang nilalabag daw ng sabwatan ang batas tungkol sa Universal Health Care at ang Generics Drug Law ng bansa.

Malakas na ang ugong ng isyu na ito sa mga social media at banggit pa nga ng ibang health advocates ay mas malala pa raw ito sa Pharmally scandal ng gobyerno noong panahon ng pandemya. Naging posible ito dahil maraming pagganyak o insentibo na nakukuha si “Doc”ka pag palagi niyang irereseta ang mga brand ng gamot ng drug company.

Sa simpleng paliwanag, parang naging multi-level marketing (MLM) ang taktika ng drug company para maengganyo ang mga doktor na magmistulang mga ahente para mas malawak at mabilis ang pagbebenta ng mga brand ng gamot ng drug company. Umabot na nga raw yata na meron pang mga “quota” ang ilang mga kausap ng doktor. Ang matindi pa, hindi lang simpleng mga ballpen, mug at mga damit ang insentibo o premyo ng isang doktor. Mga cellphone, laptops at kahit kotse ang nakapila basta maabot ng doctor ang quota.

Hindi naman bago ang isyu na ang mga doktor ay naimpluwensyahan ng mga kompanya para magreseta ng mga gamot nila. Tanggap naman sa industriya ng medisina na dahil sa ‘corporate sponsorship’  medical conferences, symposiums at ang mga libreng gamit na pamigay, talaga naman mae-enganyo ang doktor na i-reseta ang branded na gamot.

Pero ibang usapan na kung pati ang mga supplement o multi-vitamins ay ibebenta nig manggagamot kasama ng tunay na prescription drugs at kukumbinsihin ang pasyente na kailangan talagang inumin ang mga ito dahil bahagi ng pagpapagaling (healing) at remedyo sa sakit. Bagay na hindi naman totoo sa lahat ng pagkakataon. O kaya ay sasabihin na doktor na huwag generic ang bilhin, kundi ang tanging brand ng drug company lang.

Obligasyon ng isang doktor na pagalingin ang kanyang pasyente sa pinakamabisang paraan. Sa sitwasyon na tulad nitong sabwatan ng manggamot at kompanya na pagkakitaan ang taong maysakit, hindi lang nila pinagsamantalahan ang pasyente, tinalikuran pa nila ang ang kanilang sinumpaang tungkulin.

Hindi yan okey, doc!