Home OPINION DIALOGUE SA PAGITAN NG PCG-CGHRMC AT PAG-IBIG FUND, MATAGUMPAY

DIALOGUE SA PAGITAN NG PCG-CGHRMC AT PAG-IBIG FUND, MATAGUMPAY

IDINAOS nitong April 24, 2024 ang kauna-unahang dayalogo sa pagitan ng Philippine Coast Guard Human Resource Ma­nagement Command (CGHRMC) at Home Development Mutual Fund o mas kilala bilang Pag-IBIG Fund sa CGHRMC Coast Guard Base sa Taguig city.
Personal na dumalo sa nasabing pag-uusap si Pag-IBIG Fund deputy chief executive officer na si Auxiliary Commodore Alexan­der Hilario Aguilar na isa ring miyembro ng Philippine Coast Guard Auxiliary Executive Squadron. Mainit siyang tinanggap ni CGHRMC commander CG commodore Rommel Supangan.
Pormal na isinasagawa ng CGHRMC ang pormal na pagkilala at pagtatanong ukol sa mga benepisyo at mga programa para sa miyembro ng Pag-IBIG kaya sinimulan na ni DCEO Aguilar ang pagtalakay sa kung ano ba ang mandato ng HDMF/Pag-IBIG Fund alinsunod sa Republic Act No. 9679 at sa “Bagong Pi­lipinas” na inisyatiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr.
Ipinaliwanag ni DCEO Aguilar ang mga programa at serbisyong ipinagkakaloob ng Pag-IBIG Fund sa mga miyembro nito kabilang ang Regular Savings, MP2 Savings, short term loans, at housing loans.
Ibinahagi din niya na walang dapat ikatakot sa paglalaan ng pera sa Pag-IBIG Fund dahil nito lamang 2023 kung saan ay medyo mahirap ang buhay dala ng nagsisimula pa lamang na pagbangon mula sa COVID-19 pandemic ay nagtala ang ahensiya ng Php48.76 billion na dibidendo nitong 2023 na paghahatian ng nasa mahigit 16 millon nitong aktibong miyembro. Ang nasabing dibidendo ang siyang pinakamalaking dibidendo sa 43 taong kasaysayan ng HDMF/Pag-IBIG Fund.
Bago pa ang pormal na dayalogo ay nagsagawa ng survey ang Personnel Management Center, tinanong ang mga coast guard personnel kung ano ang mga plano nila kapag sila ay nagretiro na. At narito ang kanilang kasagutan – 36.9 percent ay magbibiyahe kasama ng pamilya, babawi sa asawa at mga anak sa mahabang panahong inilaan sa trabaho; 5.8 percent ang magha­hanap pa ng bagong trabaho sa gobyerno lalo sa civilian offices na hanggang 65 years old ang mandatory retirement; 6.8 percent ang papasok sa pribadong sektor; 3.9 percent ang balak maging overseas Filipino worker; at nasa 75.7 percent ang magtatayo ng sariling negosyo.
Kaya ang naging suhestiyon ng inyong Agarang Serbisyo Lady kay CG commodore Supangan  ay magkaroon ng regular Financial literacy talk o seminar sa iba’t ibang unit ng PCG.
Dahil na nga rin sa tagumpay ng unang dialogue kasama ang HDMF/Pag-IBIG Fund ay masusundan pa ito ng marami pang pag-uusap para sa kapakinabangan kapwa ng mga tauhan ng PCG at ng Pag-IBIG Fund.
Nagpapasalamat ang inyong lingkod kay Commodore Su­pangan sa pagtitiwala at sa buong CGHRMC sa pagkakataon na maging moderator, at siyempre kay DCEO Aguilar sa pagpapaunlak at paglalaan ng oras para sa atin.
Bilang kontribusyon ko sa PCG bilang bahagi ng PCG Exe­cutive Squadron ay isusulong natin ang mga ganitong programa, sunod naman natin ang Social Security System at Philippine Health Insurance Corporation.
Malawak ang PCG at kailangan natin silang maaabot at maagapayan sa pagbuo ng isang matatag nilang kinabukasan kasama ng kanilang pamilya.