Home OPINION LAWAY LANG ANG KAPITAL

LAWAY LANG ANG KAPITAL

LAGING tiba-tiba ang mga middleman kung negosyo ang pag-uusapan dahil bukod sa wala na silang puhunan sa pangangalakal ng anomang paninda, malaki pa ang kinikita nila lalo na sa mga inaangkat na mga pangunahing bilihin mula sa magsasaka papunta sa mga retailer o ordinaryong nagtitinda sa mga palengke at tiangge.

Ang middleman o ahente ang madalas nangongontrata sa mga nagtatanim ng palay, bigas, gulay at iba pang produktong pang-agrikulturang pinapakyaw lahat ng mga ani ng magsasaka at dinadala sa mga palengke upang ibenta sa retailers at may-ari ng puwesto roon.

Sila ‘yung namamakyaw ng ani ng mga magsasakang kadalasan ay inuutang pa sa mga ito at babayaran lang kapag nakolekta na ang bayad mula sa mga naglalako sa palengke.

Bukod sa tubong lugaw ang mga kabron na ito dahil hindi lang mura ang kanilang kuha sa mga nagtatanim samantalang lagpas tao naman ang kanilang benta sa mga negosyante, wala pang ipinaluluwal na kapital ang mga switik na kontratistang sila ang gumaganansya nang husto subalit pobre pa rin ang kalagayan ng totoong food producers ng bansa – ang magsasaka.

Kaya naman makatwiran ang inirereklamo ng ilang kongresista at mamamayan na napakamahal ng presyo ng isda, gulay at prutas sa mga palengke samantalang higit pa ito sa nagmumurang kamatis sa kanayunan.

Hindi ba’t silang middleman ang marapat na higpitan ng gobyerno kapag tumataas ang inflation rate at hindi ang retailers sa palengke na sadyang umaani ng price freeze na ipinatutupad ng Department of Trade and Industry tuwing sumisirit ang presyo ng pangunahing bilihin?

Ibig sabihin, silang mga ahente ang ugat nang pagtaas ng presyo ng pangunahing pagkain at hindi ang kakulangan ng suplay nito dahil ayon nga sa Department of Agriculture ay may sapat na ani ang mga magsasaka bago pa man ang tagtuyo sa bansa.

Sa madali’t sabi, ang mga namamakyaw, ahente at middleman na ito na malayang nakapagnenegosyo na malayo sa nguso ng pamahalaan ang kailangan higpitan upang hindi sumirit ang presyo sa merkado.