Home OPINION HINDI KATAWA-TAWA

HINDI KATAWA-TAWA

HINDI nakatutuwa ang mga nabalita sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA kamakilan.

Ang una ay tungkol sa surot sa mga upuan na halos kasuka-suka ang mga video na kumalat sa social media. Pangalawa ay ‘yung daga na parang namamasyal sa mga kisame ng departure area.

Tanggap na nga natin na ang NAIA ay kabilang sa listahan ng mga pinaka-pangit o “worst airport”, ayon na rin sa mga ilang sarbey. Pero ibang level na yata ng kadugyutan ang usapin ng mga surot at daga na kitang-kita sa mga video. Ang laking paliwanag ang hinihintay ng taumbayan dito.

Umaksyon naman agad ang mga opisyal ng Manila International Airport Administration. Nagpa-disinfect agad ng mga upuan. ‘Yun nga lang ang sumunod na mga eksena sa paliparan ay nakaupo na sa sahig ang mga kawawang pasahero.

Dapat pag-aralan mabuti ng mga kinauukulan kung naging regular at wasto ba ang maintenance o disinfection o paglilinis ng kanilang kinontratang kompanya para linisin ang NAIA.

Teka muna, meron nga bang regular na tagalinis o taga-disinfect ang NAIA. Kasi kung wala, eh malaking kakulangan ‘yan sa serbisyo ng mga awtoridad.

Hindi yata ang ganitong mga balita ang makakakumbinsi sa mga dayuhan na pumunta sa Pilipinas para mamasyal. At lalo namang hindi ganitong klase ng serbisyo ang deserved ng mga Pilipino, kahit ba turista o OFW ka.

Ang paliparan ang una at huling lugar na tinitigilan ng isang pasahero sa kanyang byahe. Kung mga pangit na karanasan ang baon mo sa byahe, parang pangit na larawan na rin ng bansa ang dala-dala mo pagsakay o pagbaba mo sa eroplano.

Sa huli, hindi mo maisantabi na ang mga ganitong pangyayari ay may ugnay sa usaping privatization ng operasyon ng NAIA. Wala naman akong problema sa pagsasapribado ng NAIA.

Baka nga kailangan talaga ito para mapaganda at maiayos ang pamamalakad sa airport.

Ang problema ko ay kung ginagamit ang mga insdenteng ito para pabilisin ang privatization, pero ang mga pasahero ang nagdurusa. Hindi ito nakatatawa.

Previous articleUCC-CMHS, ISA NA NAMANG LEGACY PROJECT NG MAG-AMANG MALAPITAN
Next articleBATAS PARA SA MOTORCYCLE TAXIS PINABIBILIS NA!