Home OPINION HINDI RAMDAM ANG DIWA NG PASKO

HINDI RAMDAM ANG DIWA NG PASKO

BAGO ang lahat, muli nating ipinapaalala na ‘deactivated’ ang aking FB account halos dalawang taon na ngayon, kaya sakaling mayroong ‘account’ na gustong magpa ‘friend accept’ sa sino man na gamit ang aking pangalan at litrato sa ‘profile,’ HUWAG ninyong tanggapin dahil HINDI ako, ‘yun, hane?

***

Binabasa ninyo ito, dear readers, bisperas na ng Pasko, panahon na dapat ay puno ng kasayahan, pagmamahalan, pagbibigayan at kapayapaan. ‘Yun nga lang, hindi pumapabor ang mga nangyayari at patuloy na nangyayari sa napakaraming panig ng mundo.

Sa Middle East, patuloy ang paglawak ng digmaan kung saan daan-daang libo na ang mga namatay– at namamatay– mula sa Gaza hanggang sa Syria– dahil sa ikinakalat na karahasan ng Israel na suportado naman ng ‘Tadong Unidos.

Sa Ukraine, libo-libong mga sundalo (karamihan sa panig ng Ukraine) at sibilyan ang araw-araw ay namamatay dahil sa patuloy na gera ng Ukraine at Russia kung saan sa halip na pag-usapan kung paano maibabalik ang kapayapaan tulad ng gustong mangyari ng Russia, patuloy ang digmaan dahil patuloy na gera ang gusto ng Tadong Unidos at NATO upang patuloy na magkamal ng dambuhalang kita ang ‘military industrial complex’ na ang tanging alam pagkakitaan ay digmaan.

Dito sa atin, dadating ang Pasko na may “sama ng loob” ang ilang sektor dahil sa naging “hatian” ng ‘2025 national budget’ kung saan ayon sa mga kritiko, mas napaboran ang interes ng mga pulitiko lalo pa nga at simula na ng kampanya sa susunod na taon.

Sadyang Pasko na nga subalit, bakit parang hindi “ramdam” ng mga Pilipino at mga tao sa maraming panig ng mundo ang diwa nito?

Harinawang sa pagpasok ng 2025, makita natin ang inaasam na positibong mga pagbabago.

Maligaya at mapayapang Pasko sa ating lahat!