Home METRO Hinihinalang tulak patay sa Batangas buy-bust

Hinihinalang tulak patay sa Batangas buy-bust

MANILA, Philippines – Patay ang hinihinalang tulak ng illegal na droga sa engkwentro ng pulisya sa San Juan, Batangas nitong Martes, Mayo 28.

Ayon sa Region 4A police nitong Miyerkules, ang suspek na si “Balot” ay napatay sa buy-bust operation sa Barangay Lipahan bandang alas-7 ng gabi.

Sa report, natunugan umano ng suspek na pulis ang katransaksyon nito.

Dahil dito ay bumunot ng caliber .38 revolver si Balut saka ipinutok sa team ng anti-illegal drug operatives.

Hindi naman tinamaan ang mga pulis kaya nakaganti pa ang mga ito ng putok. Napuruhan ang suspek na naging dahilan ng kamatayan nito.

Nakuha ng pulisya sa suspek ang baril na kargado ng dalawang empty shells at apat na bala.

Narekober din ng mga awtoridad mula kay Balut ang dalawang plastik ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000.

Samantala, inaresto rin sa hiwalay na operasyon sa Bacoor City, Cavite ang tatlong indibidwal na sina “Boss,” “Joel,” at “Ritchie.”

Tinukoy ang mga suspek bilang “high value” targets. Nakuha sa mga ito ang limang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng 39 gramo at nagkakahalaga ng P275,000.

Nakuha rin mula kay Joel ang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC