Home NATIONWIDE 556 magsasaka na apektado ng bagyong Aghon, inayudahan

556 magsasaka na apektado ng bagyong Aghon, inayudahan

MANILA, Philippines – Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P23.06 milyong halaga ng ayuda para sa 556 magsasaka na apektado ng bagyong Aghon sa Calabarzon at Mimaropa.

Ayon sa DA – Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center Bulletin 6 na inilabas nitong Martes, Mayo 28, ang halaga ay inilaan para sa distribusyon ng agricultural inputs, katulad ng mga punla, planting materials, at bio-control measures.

Anang DA, inihanda rin nito ang loanable amount na P25,000 para sa bawat magsasaka na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon na walang interest sa pamamagitan ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program.

Nauna nang sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa na available ang P1 bilyong halaga ng quick response funds para sa lahat ng mga kalamidad.

Ang pinsala sa agrikultura sa Calabarzon at Mimaropa dahil sa bagyong Aghon ay umabot na sa P22.8 milyon, kung saan pinakamalaki sa high-value crops sa P10.87 million.

Pinakanapuruhan ang Laguna at Quezon sa P10.66 milyong halaga ng pinsala sa mga palayan.

Umabot naman sa P815,400 ang halaga ng pinsala sa agriculture infrastructures, katulad ng mga pigpen, greenhouses, at irrigation canals, sa Quezon.

Nasa P448,300 ang halaga ng pinsala sa livestock at poultry sa Laguna. RNT/JGC