Home METRO Sekyu na pumatay sa ex ng kinakasama, pinaghahanap

Sekyu na pumatay sa ex ng kinakasama, pinaghahanap

MANILA, Philippines – Pinaghahanap na ng pulisya ang isang security guard na responsable sa pamamaslang sa dating karelasyon ng kaniyang kinakasama sa Trece Martires City sa Cavite.

Humihingi ng katarungan ang pamilya ng biktimang si Jomar Fajardo, 30-anyos, construction worker na pinatay ng suspek na nakilalang si Jason Bacuedan, 41, security guard, noong nakaraang Mayo 19 sa Southville 2, Brgy. Aguado nasabing lungsod.

Sa report ng pulisya, dakong 10:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa Phase 3A, Southville 2 ng nasabing lugar.

Nabatid na nag-iinuman umano ang biktima kasama ang kaibigan nang magpaalam na bibili ng sigarilyo at manghihiram muna ng motorsiklo sa dating kinakasama na si Aileen Villasan na nakatira lugar.

Pero pagdating umano sa bahay ay hindi siya pinagbuksan ng dating kinakasama at dahil sa inis ay nasuntok nito ang pinto.

Doon na lumabas ang suspek na armado na ng patalim at hinabol na ng saksak ang biktima.

Nagtamo ng mga tama ng saksak si Fajardo na nadala pa sa Gen. Emilio Aguinaldo Memorial Hospital pero binawian din ng buhay habang ginagamot. Tumakas naman ang suspek tangay ang armas na ginamit sa krimen.

Nanawagan naman ang kapulisan ng naturang lungsod sa mga nakakaalam sa kinaroroonan ng suspek na makipagtulungan sa kanila upang agad na madakip at harapin ang kaso laban sa kanya. Margie Bautista