MANILA, Philippines- Nanawagan si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza para sa agarang pagpapalaya at parole sa political prisoners partikular na sa mga matatanda at may sakit, bilang bahagi ng mas malawak na pagsisikap na tugunan ang “mga sistematikong kawalang-katarungan” sa bansa.
Ang kanyang pahayag ay kasunod ng isang misa na kanyang ipinagdiwang para sa mga bilanggong politikal at persons deprived of liberty (PDLs) sa Bago City District Jail sa Negros Ocidental noong Disyembre 30.
Binigyang-diin ng obispo ang agarang pangangailangan ng hustisya, na binanggit ang patuloy na pagkakulong sa 113 bilanggong politikal sa buong Negros Island, na kumakatawan sa 15 porsyento ng kabuuang bilang sa bansa.
Kasama rito ang 59 bilanggo sa Negros Occidental at 54 sa Negros Oriental, karamihan sa kanila ay naakusahan ng tinatawag ng rights advocates na “questionable charges.”
Binanggit ng obispo na kamakailang pagbasura sa kaso at pagpapalaya sa siyam na political prisoners kasama si Pastor Jimmie Teves at youth organizers Carmen Jonahville Matarlo at John Micahe Tecson.
Kinondena rin ni Alminaza ang kultura ng red-tagging ng mga aktbidad na na itinuring bilang sistematikong pag-atake sa demokrasya at karapatang pantao.
Ang panawagan ni Alminaza ay bilang suporta sa panawagan ni Caloocan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David na magpasa ng batas upang mabayaran ang mga taong nakulong at kalaunan ay napawalang-sala ng korte. Jocelyn Tabangcura-Domenden