Home NATIONWIDE Hirit ng PAGCOR: 12 kompanya ‘wag isama sa POGO ban

Hirit ng PAGCOR: 12 kompanya ‘wag isama sa POGO ban

MANILA, Philippines – Hiniling ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ang 12 kumpanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ay hindi maisama nationwide ban.

Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong Lunes, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipinagbabawal niya ang lahat ng POGO sa bansa sa pagtatapos ng taon.

Ginawa ng PAGCOR ang apela dahil 12 sa 43 POGO companies sa bansa ay mga customer service agents para sa gaming companies.

Inaasahan din na libo-libong empleyado at negosyo ang naapektuhan ng POGO ban.

Ayon sa PAGCOR, ang direktiba ni Marcos ng total ban sa POGO ay magpapahinansa maraming negosyo at tataas ang posibilidad na maraming Filipino ang mawalan ng trabaho.

“Kung sasama ang SBPO, humigit-kumulang nasa 40,000 to 42,000 dahil ang official na nagtatrabaho sa overseas gaming companies o IGL nasa 31,800 yata. Sabihin na humigit kumulang 31,000. Itong sinasabi na sa SBPO, halos almost 9,000 to 10,000 na. Kaya suma niyo malapit sa 40,000,” sabi ni PAGCOR chairperson at CEO Alejandro Tengco.

Kabilang dito ang 31,000 Pilipinong direktang nagtatrabaho sa mga POGO at konektado sa mga karagdagang serbisyo na konektado sa mga POGO hubs tulad ng mga serbisyo sa janitorial.

Samantala, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na sisikapin nilang matulungan ang mga apektadong POGO workers.

Ayon sa PAGCOR, mayroong 43 lisensyadong POGO companies sa bansa.

Noong 2023, kumita ng mahigit P5 bilyon ang PAGCOR mula sa mga POGO, ngunit sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na hindi magiging malaking kawalan sa bansa ang kanilang napipintong pagtanggal.

Samantala, ikinatuwa naman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission ang hakbang ni Marcos na ipagbawal ang lahat ng POGO sa bansa, lalo pa’t may ilang POGO ang sangkot sa malalaking krimen tulad ng kidnapping, human trafficking at prostitusyon.

Nahaharap din sa mga kasong money laundering ang ilang naarestong POGO worker sa ibang bansa.

Sinabi ng Bureau of Immigration dahil magkakabisa ang pagbabawal sa mga POGO, kakanselahin din ng ahensya ang mga visa na ibinigay nito sa mga dayuhang mamamayan na nagtatrabaho sa mga POGO. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)