Home NATIONWIDE Hirit ng PhilHealth: Dagdag-kontribusyon ng mga miyembro para sa mas malaking benepisyo

Hirit ng PhilHealth: Dagdag-kontribusyon ng mga miyembro para sa mas malaking benepisyo

MANILA, Philippines- Itinutulak ng PhilHealth ang mas mataas na kontribusyon ngayong taon dahil sa planong palawakin pa ang coverage sa kabila ng pagbusisi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa planong pagtaas ng mga premium ng state health insurer.

Sinabi ng CEO ng PhilHealth na si Emmanuel Ledesma Jr. na hindi na kailangang magbayad ang mga miyembro at kanilang mga benepisyaryo para sa paggamot sa ilang mga sakit sa ilalim ng planong pagpapalawak ng coverage ng PhilHealth.

Sinabi ni Ledesma na maraming nakalatag na enhancements na siguradong mararamdaman ng mga miyembro dahil sa mababang bayarin sa ospital o maaring wala nang babayaran pa.

Dagdag pa ni Ledesma, ira-rationalize ng PhilHealth ang rate case para sa bronchial asthma at bacterial sepsis sa mga bagong silang at mga benepisyo ng COVID-19 inpatients.

Maaasahan din aniya ng mga benepisyaryo ang mas magandang package para sa severe acute malnutrition sa mga batang edad 5 taong gulang pababa, at mga serbisyo para sa physical medicine and rehabilitation.

Iba pang benepisyo na tinitingnan ay ang enhancement ng peritoneal dialysis sa ilalim ng Z Benefits Package, sabi ng PhilHealth.

Ngunit nagpahiwatig si Ledesma na dapat maipatupad ang pagtaas ng premium.

“This is where the importance of adjusting our contribution rates comes into play. It will generate funds necessary for us to complete our benefit plans, and more importantly to sustain the reforms in the benefit packages,” giit ni Ledesma.

Ang kontribusyon ng PhilHealth members ay dapat tataas ng 5 percent ng members’ wages ngayong taon, mula 4 percent.

Nauna nang sinabi ni Ledesma na walang pagtanggi ang Pangulo sa pagtaas ngunit sinabi ng Pangulo na ang plano ay pinag-aaralan pa.

Binanggit ng PhiliHealth chief na nagpatupad na sila ng 30-porsyentong pagtaas sa karamihan ng mga package ng case rate nito noong Pebrero 14.

Ang coverage ng PhilHealth para sa breast cancer sa ilalim ng Z Benefits Package nito ay tumalon din mula P100,000 sa P1.4 milyon, dagdag niya.

Nadagdagan din sa 156 na mga sesyon bawat taon mula sa 90 mga sesyon ang mga paggamot sa hemodialysis.

“This has increased the annual benefit coverage of patients with Chronic Kidney Disease Stage 5 to P405,600 from P234,000. In 2023, PhilHealth paid a total amount of P17.43 billion for hemodialysis claims alone,” sabi ng PhilHealth.

Tinaasan din ang benefits packages para sa acute ischemic stroke mula P28,000 hanggang P76,000, at acute hemorrhagic stroke mula P38,000 hanggang P80,000.

Sinabi ni Ledesma na ang dalawang paketeng ito lamang ay tumaas ng 200 porsyento. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleQuiboloy muling pinatawan ng contempt ng Senate panel
Next articleDisposable vapes nagbabadyang ipagbawal