Home NATIONWIDE “Hit-or-miss” reporma sa edukasyon, ibinabala ng grupo

“Hit-or-miss” reporma sa edukasyon, ibinabala ng grupo

191
0

MANILA, Philippines – Umani ng batikos ang panukalang trimester system ng Department of Education (DepEd), matapos magbabala ang Alliance of Concerned Teachers Philippines (ACT) na maaaring gawing “lab rats” ang mga guro at estudyante sa umano’y hit-or-miss na reporma sa edukasyon.

Sa pahayag noong Pebrero 14, sinabi ng ACT na maaaring lalo pang lumala ang learning gaps at mapasailalim sa experimental scheduling ang mga mag-aaral nang walang malinaw na ebidensiya ng mas mabuting resulta.

“Kung may pag-aaral na basehan ang panukalang ito, dapat malinaw itong inilalahad at sinusuri kasama ang mga guro,” ani ACT Chairperson Ruby Bernardo.

“Hindi maaaring magpatupad ng malalaking pagbabago sa sistema ng paaralan nang walang makabuluhang konsultasyon sa mga direktang maaapektuhan,” dagdag niya.

Noong Pebrero 13, inanunsyo ng DepEd ang planong paglipat mula sa apat na quarter tungo sa trimester simula School Year 2026–2027 upang mapabuti ang curriculum implementation, mabawasan ang workload ng guro, at maprotektahan ang instructional time.

Ngunit iginiit ng ACT na walang malinaw na ebidensiya at sapat na konsultasyon sa mga guro, unyon, at education stakeholders. Anila, hindi rin nito tinutugunan ang matagal nang krisis sa edukasyon gaya ng siksikang silid-aralan, mababang sahod, labis na administrative work, kulang at may pagkakamaling textbooks, at kagutuman ng mga estudyante.

“Kung seryoso ang gobyerno na tugunan ang learning crisis, dapat unahin ang pagpuno sa mga kakulangang ito,” sabi ni Bernardo.

“Ang mga agenda na hindi lapat sa lupa ay lalo lamang magpapahirap sa mga guro at estudyante,” dagdag niya.

Binanggit din ng ACT ang mga praktikal na isyu tulad ng workload compression, dahil nahihirapan na umano ang mga guro sa kasalukuyang four-quarter system. Tinanong din nila kung paano iaangkop ang grading system na nakabatay sa apat na bahagi.

“Paano iaangkop ang grading system na matagal nang nakahati sa apat, na may iba’t ibang anyo ng assessment at criteria?” ani Bernardo.

“Ang ganitong pagbabago ay hindi simpleng teknikal na usapin at may malalim na epekto sa aktwal na pagtuturo at pagkatuto,” dagdag niya.

Bagama’t hindi tutol sa reporma ang ACT, iginiit nitong dapat ito’y evidence-based, may sapat na pondo, at may tunay na partisipasyon ng mga guro. Nanawagan din sila sa DepEd na ilabas ang mga pag-aaral na sumusuporta sa panukala at tugunan ang matagal nang mga kahilingan tulad ng makataong sahod, sapat na plantilla items, classrooms, at learning resources.

“Hindi kalendaryo ang ugat ng krisis sa edukasyon,” pagtatapos ni Bernardo. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here