MISAMIS ORIENTAL, Philippines – Hinimok ng Department of Health–Northern Mindanao (DOH-10) ang mga municipal at city health offices na magtayo ng sarili nilang HIV (human immunodeficiency virus) treatment facilities upang mas maabot ang mga komunidad na kulang sa serbisyo.
Ayon kay Dr. Ronald Romano, chairperson ng City Health Office HIV and AIDS Core team, “DOH has encouraged our municipal health offices, city health offices to establish their own treatment facilities,” sa isang media briefing noong Biyernes.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 18 ang HIV treatment hubs sa rehiyon upang mas mapalapit ang serbisyo sa mga pasyente.
Batay sa DOH-10 data, may dalawang treatment hubs na sa Misamis Oriental matapos magbukas ang bagong facility sa Manticao noong Disyembre 2025. Ang Cagayan de Oro City naman ay may apat na hubs, kung saan tatlo ay pag-aari ng gobyerno, habang ang bawat probinsya sa rehiyon at Iligan City ay may kahit isang pasilidad.
Ayon kay Romano, nananatiling hamon ang misinformation tungkol sa HIV. Giit niya, ang mga taong may HIV (PLHIV) ay hindi na nakakahawa kung regular na umiinom ng antiretroviral therapy (ART).
Sinabi rin niya na 95% ng PLHIV sa bansa ay sumusunod sa ART, kaya nakakabuhay sila ng normal na buhay, at may ilan pang nagkakaroon ng pamilya na HIV-free.
Sagot din ng Philippine Health Insurance Corp. ang testing, konsultasyon, at ART kahit para sa mga hindi regular na nagbabayad ng kontribusyon. RNT/MND