Home NATIONWIDE HMO benefits para sa gov’t workers isinusulong ng 2 economic managers

HMO benefits para sa gov’t workers isinusulong ng 2 economic managers

MANILA, Philippines- Kapwa ipinanukala ng dalawang economic managers ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsama ng healthcare coverage bilang bahagi ng compensation package para sa lahat ng empleyado ng gobyerno.

Sinabi nina Budget Secretary Amenah F. Pangandaman at Finance Secretary Ralph G. Recto na kinokonsidera ng pamahalaan ang paghahandog ng health maintenance organization (HMO) benefits sa lahat ng public servants.

Idinagdag pa ng dalawang Cabinet officials na mayroong ding plano para sa bagong “round of salary increases” para sa civilian government employees, na maaaring sumabay sa pagsisimula ng HMO plan.

“Maybe, both executive and Congress can work together to have a new Salary Standardization Law (SSL) for government employees and or provide an HMO for them,” ayon kay Recto sa isang panayam.

Matatandaang ang huling phase ng salary increases para sa mga empleyado ng gobyerno ay sa ilalim ng 2019 SSL naging epektibo noong Enero 1.

Ayon sa Kalihim, ang antas ng umento sa sahod sa bagong SSL ay hindi naman kailangang mataas, lalo pa’t ang makasama sa HMO cover ay bahagi ng compensation package.

“For me, you don’t have to increase the salary by a large amount if you provide HMO because it will be part of the compensation package, which we believe is important,” ayon pa rin sa Kalihim.

Mayroon aniyang pangangailangan na isama ang healthcare coverage sa compensation package ng pamahalaan.

“Could you imagine that our government employees do not have annual checkups?” wika niya.

Sa ngayon, hindi lahat ng ahensya ng pamahalaan ay nagbibigay ng HMO coverage sa kanilang mga empleyado subalit iyong may mga fiscal autonomy, gaya ng Kongreso at Bangko Sentral ng Pilipinas ay naghahandog ng healthcare benefit.

Subalit, kahit wala pang bagong SSL law, naniniwala si Pangandaman na maaaring simulan ng gobyerno ang HMO benefit sa pamamagitan ng executive order (EO) ng Pangulo.

“We have the draft EO, but it requires further study,” aniya pa rin.

Sa ngayon, may nakabinbing batas sa Senado na naglalayong magbigay ng komprehensibong health care services sa lahat ng empleyado ng pamahalaan sa Pilipinas. Kris Jose

Previous articleUmento sa sahod ng mga guro oks sa DepEd pero..
Next articleHeartbreak, wellness leaves para sa single employees ipinanukala sa Kamara