MANILA, Philippines – Namahagi ng generator machines at survival kits ang provincial government ng Batangas sa iba’t ibang local government units na apektado ng Severe Tropical Storm Kristine, bilang hudyat ng pagsisimula ng holiday celebration ng probinsya.
Sa speech sa taunang “Paskuhan” na may temang “Liwanag ng Pagkakaisa,” sa capitol compound, sinabi ni Gov. Hermilando Mandanas na iniaalay nila ang selebrasyon sa mga apektadong Batangueños na nagrerekober pa lamang mula sa hagupit ng bagyo.
“Tonight, we want to emphasize our unity and give hope. As we light up our [Christmas tree and the provincial capitol compound], we want to show that no one will be left behind.. remembering and supporting all typhoon victims in the province,” ani Mandanas.
Tinitingnan din ng probinsya ang mga posibleng maapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Dr. Amor Calayan na layon ng tulong na mapalakas ang mga mamamayan sa calamity-prone areas kaugnay sa disaster preparedness response.
“The light of unity that we want to portray is extended to all affected towns. Together, we will recover,” sinabi pa ni Mandanas.
Ang mga LGU na nakatanggap ng tulong ay ang Talisay, Tanauan City, Lipa City, San Luis, Bauan, San Nicolas, Alitagtag, Cuenca, Agoncillo, Laurel, Balete, Lemery, Mabini, Bayan, Calaca City, Tuy, Nasugbu, at Calatagan.
Sa ulat, naitala ng pamahalaan ang 45,577 damaged houses, 15,696 apektadong magsasaka, 929 livestock at poultry, at 59 nasawi sa probinsya. RNT/JGC