Home METRO Homecoming parade ng PH Olympians, umarangkada na!

Homecoming parade ng PH Olympians, umarangkada na!

MANILA, Philippines – Kanya-kanyang pwesto na ang mga tao sa ruta na daraanan ng victory parade ng mga Filipino Olympian upang masilayan ang double gold Olympics champion na si Carlos Yulo at iba pang altleta.

Sa kahabaan ng Kalaw Street at Taft Avenue, lumabas na sa kanilang klase ang mga estudyante at mga guro ng Manuel G. Araullo High School upang maagang maabangan ang pagdaan ng float ng parada ng mga Filipino-Paris Olympian.

Lahat ng nag-aabang sa kalsada ay may hawak din na watawat ng Pilipinas habang iwinawagayway habang sinasabayan ng dagundong ng tambol.

May kanya-kanya ring hawak na tarpulin na may nakasulat ng pagbati kay Yulo sa kanyang naging tagumpay.

Samantala, may mga naka-antabay namang mga ambulansya sa mga ruta na daraanan ng float parade ng mga sumabak sa Paris Olympics 2024 dahil na rin sa sobrang init ng panahon.

Rizal Memorial Coliseum crowd

Sa Rizal Memorial Coliseum, patuloy din ang pagdagsa ng tao upang masilayan ang 2 time gold medalist na si Carlos Yulo lalo’t siya ay mula sa lungsod ng Maynila.

Si Yulo ay pagkakalooban ng P2 milyong financial reward o incentives dahil sa kanyang sakripisyo at ipinakitang galing sa larangan ng sports.

Habang si Ernest John Obiena naman ay makakatanggap ng P500,000 incentives.

Ang dalawa ay kapwa taga-Maynila kung saan si Yulo ay mula sa Malate habang sa Tondo naman si Obiena.

Ruta ng Victory Parade

Sa kasalukuyan ay binabaybay na ng parada ng mga float ng mga Olympians ang kahabaan ng Roxas Boulevard kung saan kakanan ito sa may Padre Burgos at Finance Road patungong Taft Avenue.

Kakanan sa P. Quirino Avenue, kaliwa sa Adriatico Street patungong Rizal Memorial Coliseum kung saan naghihintay naman ang mga Manilenyo at non-Manilenos para sa inihandang heroes welcome celebration. Jocelyn Tabangcura-Domenden