MAHIGIT isang buwan na ang hindi pagkakaunawaan at patuloy na pag-inog ng balita kaugnay sa pamilya ng two-time Olympic gold medalist Carlos “Caloy” Yulo at hanggang ngayon ay bitin pa rin ang netizens sa kaganapan.
Patuloy ang paglalim ng alitan sa pagitan ng Olympian at ng kanyang pamilya lalo na ang ina nito na si Angelika. Nadagdag pa ang kasintahan ni Carlos na si Chloe San Jose.
Marami ang nasasagwaan, lalo na ang inyong Juan de Sabog na isa ring magulang, sa mga pananalitang binitiwan nina Caloy at Chloe laban sa ina ng lalaki.
Andyang inakusahan na magnanakaw at sinungaling ng mismong Olympian na sa bandang huli, siguro may nakapagpayo, ay binawi subalit hindi pa rin naman niya kinakausap maging ang kanyang ama.
Ang batang Yulo ay nag-aral sa isang catholic school kaya hindi dapat ang kanyang pag-uugali. Hindi ba naituro sa kanya ang ikaapat na utos ng Diyos – Igalang ang iyong mga magulang o honor thy father and thy mother?
Marami naman siguro ang nakapagbubulong o nakapagpapayo kay Carlos na ayusin na niya ang gusot sa kanyang mga magulang. Lamang ay tiyak na may pumipigil sa kanya at iyon ay ang may mas malakas na boses sa puso ng atleta.
Sana lang ay pakinggan ni Yulo ang mga pakiusap tulad ng kay dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson na ang nakababatang Yulo ang makipagkasundo na sa kanyang pamilya.
Tama ang paliwanag ni Singson na dapat ay maging role model at huwarang kabataan si Yulo upang sa ganoon ay mas lalo pa siyang maging matagumpay sa mga darating na panahon sapagkat kapag intact ang pamilya mas buo ang magiging panalangin sa mas malayo pa niyang mararating.
Pakinggan sana ni Yulo ang mga payo sa kanya lalo na ng mga beterano o maraming karanasan na sa buhay.
Totoo ang kasabihang, ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa parooonan. Maaaring sa ngayon ay hindi pa pumapasok sa isip at puso ni Caloy ang mga sinasabi sa kanya dahil sa may pumupukaw pa sa kanyang atensyon, pero kapag dumating na ang panahon na maisip niya ang kahugkangang sa kanyang puso, sana ay hindi pa huli ang lahat.
Si Singson ay nag-alok ng P5 milyong gantimpala sa pagkapanalo ni Yulo ng dalawang gintong medalya sa Paris Olympic 2024 gayunman sinabi nito na dapat ay si Caloy, kanyang mga magulang at si Chloe ang tatanggap ng pabuya.