MANILA, Philippines – Niresbakan ng Malakanyang ang mga nagkukuwestiyon sa honorary Doctor of Laws degree na kamakailan lamang ay ipinagkaloob kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Sa isang video message, ipinaliwanag ni Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang “honoris causa” ay isang honorary degree na ipinagkakaloob sa isang tao na nakamit ang high-ranking position o nakagawa ng makabuluhang kontribusyon sa komunidad o bansa.
“Marami kasi ang hindi nakakaunawa marahil ng katagang honoris causa. Ang mga tumutuligsa rito ay mga taong kung hindi man mapagmataas, ay mga kumakalaban sa Pangulo—the usual obstructionists at destabilizers, o ‘yung mga sumasakay lang sa nakikita sa social media, pero hindi nauunawaan ang totoong issue,” ayon kay Castro.
“Ang titulong honoris causa ay isang honorary degree. Ito ay isang pagkilala o parangal para sa taong mataas ang naabot na posisyon, may mga mahahalagang naiambag sa komunidad o mga nagawa para sa bansa,” aniya pa rin.
Binigyang diin ni Castro na ang honorary degree ay hindi nakukuha sa pamamagitan ng traditional education, sa pamamagitan ng pagpasok sa law school, o pagpasa sa Bar examinations.
Binigyang diin din ni Castro ang pangangailangan na linawin ang bagay na ito para sa mga indibiduwal na inililigaw ng iba sa pamamagitan ng ‘fake news o sheer arrogance.’
Natanggap ng Pangulo ang pinakamataas na honorary degree na ipinagkaloob ng PLM— isang Doctor of Laws, Honoris Causa—sa isinagawang 58th commencement exercises, araw ng Huwebes, Agosto 27.
Sinabi ng Pangulo na tinanggap niya ang parangal na “with gratitude, mindful of the responsibility that comes with it.”
Ayon kay Castro, hindi dapat kalimutan ng mga filipino ang mga pagkilos ng Pangulo ay upang mabigyan ng pagkilala, lalo na ang pagpapanatili sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
“Ang pagpaputol ng 300-meter floating barrier na inilagay ng China Coast Guard sa Scarborough Shoal noong September 2023 para harangin ang ating mangingisda na makapasok at makapangisda sa traditional fishing lagoon ay isang gawain ng isang matapat na leader,” aniya pa rin.
Tinuran pa ni Castro na ginagalang ng Pangulo ang buhay ng tao at due process, at paglaban kontra sa pag-abuso sa kapangyarihan. Binigyang diin ni Castro mismong si Pangulong Marcos ang nagpasimula ng mga pagsisiyasat sa usapin ng korapsyon.
Tiniyak ng Pangulo na ang bansa ay hindi mawawalan ng fuel supplies sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan at naka-secure ng fertilizer supplies para protektahan ang mga magsasaka.
“Ang masagip ang isang kababayan mula sa death row, sentensyang pinataw ng ibang bansa; pagsagip sa 17 OFW sa Qatar sa kasong illegal assembly, at sa 24 Filipinos na nakadetained sa Eastern Siberia sa Russia. Ito ay nagawa ng Pangulo dahil sa maganda niyang relasyon sa leaders ng Qatar at Russia,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)