MANILA, Philippines – Bumaba na ang bilang ng mga pasyente na may leptospirosis sa San Lazaro Hospital matapos makarekober ang ilan sa kanila.
Base sa datos ng ospital, gumaling ang nasa 30 Leptospirosis patient at napauwi na makaraan masiguro na ligtas na sila sa naturang sakit.
Sa kabila nito, 24 na bagong pasyente ang na-admit, dahilan upang umabot sa 164 ang kasalukuyang nakatala na in-patient sa ospital.
Inaasahang naman ni Dr. David Suplico ang medical chief ng San Lazaro Hospital, na bababa pa ang kaso ng nagkasakit ng leptospirosis.
Nabatid na base sa kanilang pag-aaral, ang incubation period ng leptospirosis ay isa hanggang 30 araw kung saan ang pagtaas ng kaso nito ay loob ng dalawang linggo pagbaha pero unti-unti ng nababawasan ang mga pasyente.
Muli naman pinapayuhan ang lahat na maiging iwasan lumusong sa baha para hindi magkasakit ng leptospirosis at huwag rin balewalain ang sakit lalo na’t maaari ito mauwi sa pagkamatay. Jocelyn Tabangcura-Domenden