MANILA, Philippines – Binatiukos ni ACT Teachers Rep at Deputy Minority Leader Antonio Tinio ang pamahalaan dahil sa lantarang pamimigay ng mga Special Allotment Release Order (SARO) sa mga lokal na opisyal, na tinawag niyang “shameless ceremony of political patronage.”
Kasabay nito, inungkat din ni Tinio ang malaking paglobo o pagtaas ng ₱37.49 bilyon sa Financial Assistance to Local Government Units (FALGU) sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA). Ayon sa mambabatas, mula sa orihinal na ₱5 bilyon lamang sa National Expenditure Program (NEP), umabot na sa ₱68 bilyon ang kabuuang pondo para sa Local Government Support Fund (LGSF) ngayong 2026.
“Bakit lumobo nang ₱37.49 billion ang funding para sa Financial Assistance to LGUs, na sa NEP ay ₱5 billion lang? Talagang bumabaha ng pork barrel sa 2027 budget. Ngayon may SARO pork barrel giveaways pa!” ani Tinio. “Clearly, this is a vehicle for congressional insertions and the patronage politics that come with it. The pork barrel system is alive and well, merely repackaged under the LGSF.”
Partikular na pinuntirya ng beteranong mambabatas ang pamamahagi ng SARO sa mga alkalde sa ginanap na League of Municipalities of the Philippines (LMP) National Congress sa Iloilo City noong Agosto 25, na pinangunahan mismo ni Executive Secretary Ralph Recto. Inihalintulad niya ito sa isang “carnival of patronage” o malaking palengke kung saan parang kendi umanong namigay ng pondo.
“Nakita natin sa Iloilo, mismong Executive Secretary ang nag-lelead ng distribusyon ng SAROs sa mga alkalde, sa gitna ng kanilang national congress. This administration is brazenly using public funds as a tool for political patronage. Pati SARO, may seremonya nang pamimigay na parang pamimigay ng ayuda sa programang pantawid-pamilya,” paliwanag ni Tinio.
Kinuwestiyon din ni Tinio ang papel ng Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos sabihin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na monitoring lamang ang trabaho ng ahensya at wala silang kinalaman sa pamamahagi ng pondo. Pinuna rin niya ang Local Budget Circular 169, s. 2026 kung saan may itinakdang hangganan o “indicative ceilings” para sa mga barangay (hanggang ₱5 milyon para sa ayuda at ₱10 milyon para sa imprastraktura), ngunit tahimik naman umano ang sirkular sa mga munisipalidad at lalawigan.
Sa huli, nanawagan si Tinio ng mas matinding transparency at accountability sa proseso ng pagbalangkas ng pondo, at iginiit na dapat nakabatay sa pangangailangan at hindi sa pulitika ang alokasyon ng kaban ng bayan.
“The LGSF, as it stands, is a patronage fund masquerading as support for local governments. We need genuine, needs-based budgeting, not a system where LGUs are made to beg for funds, and where those in power can reward their allies and punish their critics,” pagtatapos ni Tinio. Gail Mendoza