MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Senador Risa Hontiveros ang ipinalabas na commitment order ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) laban kay dismissed Mayor Alice Guo, o Guo Hua Ping sa tunay na pangalan sa kasong human trafficking.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros, chairman ng Senate committee on women na nag-iimbestiga sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) na pawang non-bailable ang Qualified Human Trafficking case.
“Si Guo Hua Ping, alias Alice Guo, ay karapat-dapat makulong,” ayon kayHontiveros.
Nitong Biyernes, ipinalabas ng Pasig City RTC ang isang commitment order laban kay Alice Guo alinsunod sa kasong qualified human trafficking na isinampa ng Department of Justice at National Bureau of Investigation.
Ayon kay Hontiveros, isang non-bailable offense ang qualified human trafficking case na isinampa laban kay Guo kaya hindi ito makakapagpiyansiya na plano ng kanyang abogado.
“Hindi siya makakapyansa kaya hindi niya magagamit ang POGO money niya para lusutan ang batas,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi pa ni Hontiveros na nagsisimula na ang malaking panahon ng biktima sa human trafficking na nabiktima ng illegal na operasyon ng POGO na pilit pinagtrabaho sa POGO scam hub sa Bamban, Tarlac.
“Bilang may akda ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act, ikinagagalak ko na napapakinabangan ang batas na ito,” ayon kay Hontiveros.
Nagpasalamat naman si Hontiveros sa DOJ sa mabilis na aksyon sa kaso ng pekeng Filipino na si Guo.
“Isang pagpupugay din sa NBI, AMLC at sa ibang law enforcement agencies na puspusang tumulong sa Senado sa pagsiwalat ng katotohanan. I also laud the PAOCC for this effort, mula sa pag-raid at rescue hanggang dito sa pagsampa ng kaso,” aniya.
“Guo Hua Ping, wala ka nang lusot. We will have at least one more hearing. Take that opportunity to finally tell the whole truth,” giit ni Hontiveros. Ernie Reyes