Home HOME BANNER STORY Hontiveros tinarayan ni VP Sara sa 2025 OVP budget hearing

Hontiveros tinarayan ni VP Sara sa 2025 OVP budget hearing

MANILA, Philippines – Nagkainitan sina Vice President Sara Duterte at Senador Risa Hontiveros nitong Martes, Agosto 20 nang kwestyunin ng senador ang ilan sa mga programa ng Office of the Vice President (OVP) na aniya ay kapareho ng ilang mga umiiral na programa ng ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa pagdinig ng Senate Finance subcommittee sa proposed P2.037 bilyong badyet ng OVP para sa 2025, ipinunto ni Hontiveros na malaking bahagi ng P1.909 bilyong operations budget ng opisina ay nakalaan para sa paghahatid ng socio-economic programs katulad ng medical at burial assistance, disaster operations, food bags para sa ilang pamilya, at livelihood assistance.

Tinanong ni Hontiveros si Duterte kung ano ang nagtulak sa OVP para ilunsad ang kaparehong programa lalo pa’t ito ay kaparehong-kapareho ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng Department of Health (DOH), Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program at disaster response operations ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Integrated Livelihood Program (DILP) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Bilang tugon, sinabi ni Duterte na nang siya ay nangangampanya sa pagka-bise presidente ay mayroon lamang siyang tatlong plataporma, ito ay ang trabaho, edukasyon at mapayapang pamumuhay ng mga Filipino.

“Totoo po, merong mga ibang local government units at ibang national government agencies na ganito ang kanilang programa, pero nung ako ay umupo as Vice President, I took an oath and doon sa oath, I said that I will do justice to every man,” sagot ni Duterte.

“So hindi kami pwedeng humindi sa mga tao na humihingi ng tulong lalong lalo na at ka-parte ng gobyerno ang Office of the Vice President,” dagdag pa niya.

Dito na tinanong ni Hontiveros kung ikokonsidera ba ng OVP ang pagbibigay ng badyet ng ilan sa mga programa nito patungo sa ibang ahensya ng pamahalaan at humiling na lamang ng alokasyon upang iayon sa mga prayoridad ng executive departments sa halip na magkaroon ng hiwalay na badyet para sa kaparehong program.

Ani Duterte, ipauubaya na lamang ng OVP ang alokasyon ng badyet sa Kongreso kasabay ng pagbibigay ng mga halimbawa kung paanong pinopolitika ang ilan sa mga programa ng ahensya ng pamahalaan.

Dito na tinanong ni Hontiveros si Duterte patungkol sa children’s book na “Isang Kaibigan” kung para saan ito.

Tumangging sumagot ang Bise presidente at nagpatuloy lamang sa pagbibigay ng halimbawa kung paano pinopolitika ni Hontiveros ang badyet ng pamahalaan.

“Alam nating lahat na miyembro ng iba’t ibang partido, ‘yung speeches natin sa ating mga ka-miyembro, sa mga party congresses ay hiwalay na event dito sa budget debates. So I really take exceptions dun sa sinabi ni VP na rebuttal ‘yan dahil halimbawa ito sa politicizing,” sagot ni Hontiveros.

Sinabi pa ni Duterte na ginagamit ng senador ang kanyang children’s book para magbigay ng ibang mensahe.

“Madam Chair, this is an example of politicizing the budget hearing through the questions of a senator. Ang problema niya kasi nakalagay ‘yung pangalan ko doon sa libro, at ‘yung libro na ‘yan, ibibigay namin doon sa mga bata at ‘yung mga bata na ‘yan may mga magulang na boboto at ‘yung pangalan ko ay nagkalat doon sa kung saan man ibibigay ‘yung libro,” ani Duterte.

“Madam Chair hindi ko maintindihan ‘yung ugali ng ating resource person. It is a simple question. Paulit-ulit na this is politicizing. Ang VP ang nagbanggit ng salitang boboto. Wala akong sinabing boboto. I’m simply asking. Hindi ko ma-imagine we’re making so much trouble, so much fuss about a P10 million item,” sagot naman ni Hontiveros.

Nagpatuloy pa ang mainit na palitan ng mga diskurso nina Duterte at Hontiveros kung kaya’t namagitan na si Panel chair Senator Grace Poe sa pagsasabing ang diskusyon ay dapat na manatili patungkol sa proposed budget ng OVP.

“With due respect to our resource persons and also our colleagues, I think this doesn’t really, I understand there’s history among all of us here, but I think that we should really stick to the budget,” ani Poe. RNT/JGC