Home NATIONWIDE Vice chairperson ng Pamalakaya tatakbo sa Senado

Vice chairperson ng Pamalakaya tatakbo sa Senado

MANILA, Philippines – Nagdagdag ng isa pang senatorial bet ang Makabayan coalition sa 2025 lineup nito.

Nitong Lunes, Agosto 19 ay nagdeklara si Ronnel Arambulo, mangingisda mula sa Laguna de Bay, at kasalukuyang Vice Chairperson ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ng kanyang kandidatura para sa 2025 election.

“Malugod kong tinatanggap ang hamon ng Koalisyong Makabayan na maging bahagi ng kanilang senatorial slate para higit pang maisulong ang karapatan ng sektor ng mangingisda,” ani Arambulo.

Aniya, wala pang kandidato na talagang nagpanalo sa interes ng mga pangkaraniwang Filipino, kabilang ang mga mangingisda na patuloy na nahihirapan.

“Sa West Philippine Sea, patuloy na hindi nakakapangisda ang mga Pilipino dahil sa umiigting na presensyang militar hindi na lamang ng China, kundi pati ng mga karibal nitong bansa tulad ng Estados Unidos… Sa ibang mayor na pangisdaan tulad ng Manila Bay, kabi-kabila ang kalamidad na dinanas ng mga mangingisda bunga ng reklamasyon at iba pang anyo ng pribatisasyon,” aniya.

Ayon sa Pamalakaya, si Arambulo ay lider ng mga mangingisda mula pa noong 2008.

Siya ang ikalimang kandidato sa Senate slate ng Makabayan coalition kasunod ng proklamasyon nina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Rep. Arlene Brosas, Kilusang Mayo Uno Jerome Adonis, at dating anti-poverty czar Liza Maza. RNT/JGC