NAGSAMPA sa Ombudsman ng kasong administratibo si dating Caloocan Mayor Rey Malonzo laban sa dalawang barangay chairman dahil sa pagpasok at paglalaro nito sa loob ng isang casino sa Parañaque city.
Kinilala ni Malonzo ang kinasuhan na sina Caloocan barangay chairman Marlon Aquino ng Brgy. 2 at Noli Estolano ng Brgy. 3.
Ayon kay Malonzo, nito lamang buwan ng Hunyo 2024, pumasok at naglaro sa Solaire Resort and Casino ang dalawa na mahigpit na ipinagbabawal sa lahat ng halal na opisyal at mga empleyado ng gobyerno, batay sa Department of Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular (MC) No. 2018-25; at Office of the President Memo Circular (OP) No. 06 (s. 2016), na ayon sa Sec. 2 of RA No. 6713 o “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.”
Aniya, matapos dumalo sa isang birthday party ang dalawang kapitan ay nakita sa loob ng casino at nagpa-picture na ipinost pa umano ito sa social media kung saan ay naka-post din ang kanilang mga activities bilang mga barangay chairman.
Batay sa reklamo sa Ombudsman, sa mga pinost nila umanong larawan, makikita na nag-eenjoy at pinagmamalaki ang tila marangyang pamumuhay na meron sila. May picture pa umano ang dalawa na nasa harap ng mga slot machine, at ang isang picture naman ay makikitang nakaupo sa isang poker table.
“Ito ay hindi magandang halimbawa sa para sa aming mga kababayan sa Caloocan. Paano nila maayos ang aming mga barangay sa lungsod kung ang simpleng pagsunod po sa mga kautusan ng gobyerno ay di nila isinasabuhay?” saad sa inihaing reklamo. RNT