Home NATIONWIDE Hospital bills ni Superstar Nora Aunor sinagot ni PBBM – PCO

Hospital bills ni Superstar Nora Aunor sinagot ni PBBM – PCO

MANILA, Philippines- Binayaran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Office of the President (OP) ang hospital bills ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor.

Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) senior undersecretary for operations and strategic communications Analisa “Ana” Puod na hindi PCSO ang ‘nag-shoulder’ ng hospital bills ni Nora Aunor kundi ang OP at ang Pangulo.

“‘Di lang ‘yung hospital bill ‘yan. Pati ibang utang at ibang expenses daw galing sa personal na pera ni PBBM ‘yan,” aniya pa rin.

Sinabi pa ni Puod na hindi na sinagot ng PCSO ang hospital bills dahil sina Pangulong Marcos at Unang Ginang Liza Araneta Marcos na ang sumagot nito kasama ang iba pang gastusin.

Hindi naman binanggit ang nasabing halaga subalit sinabi ni Puod na ang hospital expenses ni Nora Aunor ay binayaran sa ilalim ng hospitalization benefits para sa national artists.

“Aside sa makukuha niya as National Artist nagbigay ng personal na pera yung mag asawa. Kasi nasa private hospital si Nora Aunor, malaki yung bill na di na kayang icover,” ayon kay Puod.

Sa ulat, pumanaw na sa edad ng 71 ang Superstar at Pambasang Alagad ng Sining na si Nora Aunor nito lamang Abril 16, 2025. Kris Jose