Manila, Philippines – Umere noong Enero 2024 at nasibak makalipas lamang ng dalawang buwan noong Marso, tila hindi pa tapos ang isyu ng “Tahanang Pinakamasaya” (TP)—ang programang pumalit sa Eat Bulaga sa GMA matapos ang paglipat ng TVJ at buong Dabarkads sa TV5.
Kamakailan, nagsampa ng kasong estafa ang GMA Network laban sa TAPE, Inc. dahil sa umano’y hindi nabayarang advertising revenues. Kasunod nito, lumabas rin sa media na hindi pa rin nababayaran ng TAPE, Inc. ang talent fees ng mga host ng TP.
Mahigit isang taon na ang lumipas simula nang mawala sa ere ang programa, ngunit kulang pa rin ng halos dalawang buwang bayad ang mga host gaya nina:
Paolo Contis
Mavy at Cassy Legaspi
Betong Sumaya
Buboy Villar
Chariz Solomon
Arra San Agustin
Michael Sager
Isko Moreno
at iba pa
Umaasa ang mga ito na tutuparin ng pamilya Jalosjos—ang may-ari ng TAPE, Inc.—ang kanilang naunang pangakong mababayaran ang natitirang obligasyon.
Umaasa rin ang GMA na aayusin ng TAPE, Inc. ang kanilang mga pagkakautang, lalo’t kilala raw ang mga Jalosjos na “maayos kausap.”
Bukas ang Remate Online para sa panig ng TAPE, Inc.