Home NATIONWIDE House members, umalma sa ikinanta ng mga Discaya na politikong isinasangkot sa...

House members, umalma sa ikinanta ng mga Discaya na politikong isinasangkot sa flood control anomaly

296
0

MANILA, Philippines – Halos sabay-sabay na inalmahan ng mga kongresista ang paratang ng mag-asawang Discaya sa pagdinig sa Senado na diumano’y tumatanggap ng 25 porsyentong komisyon o patong upang ang proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay tuwirang mapunta sa kontraktor.

Sa sinumpaang pahayag ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ay pinangalanan ng mga ito ang may 17 mambabatas na umano’y kumukulekta sa kanila ng may 25 porsyento ng kabuuang halaga ng proyekto na nakukuha ng mag-asawa bagama’t itinanggi ito ng iba pang contractors na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Bagama’t walang maipakitang ebidensya ang mag-asawang Discaya kung paano at kailan nakukuha ng mga kongresista ang nabanggit na komisyon dahil hindi naman sila personal na kumukuha nito kungdi ang kanilang mga tauhan lamang umano o staff.

Ayon kay Occidental Mindoro Lone District Leody “Odie” F. Tarriela wala siyang tinatanggap na anumang pera o pabor mula sa Discaya.

“Mariin po nating pinabubulaanan ang mga naging pahayag ni Mr. Pacifico Discaya sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-uugnay sa atin sa mga maanomalyang flood control projects. Wala po akong tinatanggap na anumang pera o pabor mula kay Mr. Discaya,” giit ni Tarriela sa kaniyang sulat-mensahe na ipinadala sa mga mamamahayag.

Sa panig naman ni dating Rep. Florida Robes na ngayon ay mayor ng San Jose Del Mundo, Bulacan na “Kung sino man gumagamit ng pangalan ko, mangilabot naman kayo! Kitang-kita naman ng marami kung gaano na kaganda ang San Jose del Monte ngayon. Walang ghost project dito at pang-world class ang aming mga infrastructure.”

Maging si Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona ay agarang kinondena ang mga pahayag at paratang ng mag-asawang Discaya.

“I strongly deny the statement of Discaya. To my recollection, wala akong project sa kanya, so anong basehan ng sinabi niyang pag bigay niya sa akin? I heard he bidded on projects sa aming budget sa Romblon pero i have no hand and knowledge on how he pays those involved!”

Hindi rin pinalagpas ni Marikina Rep. Marcelino Teodoro ang paratang laban sa kaniya na aniya’y malinaw na isang diversionary tactics lamang matapos ang kaniyang pagbubunyag ukol sa doube funding sa DPWH project sa 2026.

“Klaro na klaro na pagkatapos kong i-expose ang DPWH project sa 2026 NEP na tapos na pero isinama pa rin sa program (double funding), ngayon naman ay ako ang pilit na idinadawit sa mga kalokohan nila. Malinaw pa sa sikat ng araw na ito ay diversionary tactics ng mga sindikato para malihis sa tunay na issue ng corruption and anomalies sa flood control projects ng DPWH,” ani Teodoro.

Giit pa ni Teodoro na ang akusasyong ito ay isang demolition job at paninira lamang sa kaniya.

“Walang katotohanan ang mga paratang ng mga Discaya. Isa lang itong demolition job- – -a cheap shot para siraan ako. Hindi ako ang congressman noong na-award ang kontrata sa kanila. Panahon pa iyon ng yumaong Bayani Fernando.  In fact, ang mga DPWH projects na napunta sa mga Discaya ay bago pa ako maupo bilang congressman- – -around 2020 or 2021, hindi 2022 pataas.Wala akong kinalaman doon, dahil hindi pa ako congressman noon.”

Nagbanta pa si Teodoro na siya ay maghahain ng perjury dahil sa testimonya nito at pagsisinungaling sa Senado.

Tahasan ding itinanggi ni Quezon City Rep. Juan Carlos “Arjo” C. Atayde sa pagsasabing hindi siya kailanman nagkaroon ng transaksyon sa mga Discaya.

“I categorically deny the allegation that I benefited from any contractor. I have never dealt with them. Hindi po totoo ang mga akusasyon na ito. I have never used my position for personal gain, and I never will. I will avail of all remedies under the law to clear my name and hold accountable those who spread these falsehoods,” pahayag pa ni Atayde. (Meliza Maluntag)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here