MANILA, Philippines – Nagpasya ang House Committee on Justice na huwag munang buksan ang selyadong kahon na naglalaman ng tax records nina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases Carpio mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa botong 38-6, nanaig ang desisyon na panatilihing selyado ang dokumento at ipadala na lamang ito sa Senado kung sakaling umakyat ang kaso sa isang pormal na impeachment trial.
Ang hakbang ay kasunod ng mosyon ni Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor na gawing bahagi ng opisyal na records ang selyadong kahon para sa transmittal sa Senado.
Naging sentro ng mainit na diskusyon ang probisyon ng National Internal Revenue Code, kung saan iginiit ng ilang mambabatas na dapat mag-ingat ang komite upang hindi magkaroon ng butas ang kampo ni Duterte na kuwestiyunin ang proseso sa korte.
Para kay Manila Rep. Bienvenido Abante Jr, sapat na ang mga naunang ebidensya para sa determination of probable cause at mas mabuting ang Senado na ang humawak sa “suspense” ng naturang kahon.
“Ang paninindigan natin: Keep it sealed for now. Hayaan nating ang Senado ang mag bukas nito bilang bahagi ng impeachment trial para buksan ang katotohanan sa tamang panahon ng paglilitis. Huwag nating pangunahan ang proseso para sa kapakanan ng ating legal system at ng ating bansa,” ani Abante.
‘Di ba mas maganda na may suspense ika nga,” dagdag pa nito.
Mariin naman itong tinutulan ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima, na siyang nagmungkahi na buksan ang kahon, giniit ni de Lima na mataas ang kapangyarihan ng impeachment proceedings kaysa sa ordinaryong batas sa buwis.
“Kung exception itinuturing ang paghingi o pag-request ng appropriate House committee in aid of legislation, lalo na pong dapat payagan lalo pong dapat irecognize ang pagkuha ng impormasyon na ‘yan while sitting in an impeachment proceedings ang komiteng ito because higher level, superior level ang status ng ating komite kapag sitting in an impeachment proceeding,” giit ni De Lima.
Dagdag pa ni De Lima, “Let us be clear, uulitin ko lang po, impeachment is not a mere legislative inquiry. It is a distinct constitutional process. To allow a provision of the tax code to override the constitutional power of impeachment is to invert the hierarchy of laws.”
Para naman kay Akbayan Rep. Chel Diokno sapat na ang ibang ebidensya para makatayo ang kaso kahit hindi buksan ang kahon.
“If we are talking about probable cause, para sa akin, andyan na ang mga ebidensya, sapat na ‘yan para makapagdetermina na tayo kahit hindi natin bubuksan ‘yang kahon na ‘yan. Mayroon pong kasabihan sa batas, ex abundante cautela—’with extreme caution’—and out of the abundance of caution, I believe it would be more prudent to leave it to the Senate to side whether to open the box or not,” paliwanag ni Diokno.
Ang naturang box ay isinumite ng BIR noong Abril 22 bilang tugon sa subpoena ng Kamara kaugnay ng mga alegasyon ng unexplained wealth, bribery, at maling paggamit ng P612.5-milyon na confidential funds laban sa Bise Presidente
Bagama’t inamin ng maraming mambabatas na may karapatan ang komite na buksan ang kahon, nangibabaw ang pangamba na baka magbigay lamang ito ng bagong bala sa kampo ni Duterte upang kuwestiyunin ang jurisdictional at procedural issues ng pagdinig. Ayon sa ilang mambabatas, ayaw nilang ma-derail o mabulilyaso ang kaso gaya ng nangyari sa unang impeachment bid laban sa Bise Presidente.
Dahil sa botong ito, epektibo nang pinagbawalan ang komite na suriin ang mga nasabing financial documents saimpechmengt proceeding ng Kamara. Gail Mendoza