MANILA, Philippines – Iginiit ng House prosecution panel nitong Biyernes na mas mananaig ang ebidensyang ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaysa sa kanyang popularidad para sa 2028 elections.
Kasunod ito ng pinakahuling OCTA Research survey na nagpapakitang nananatiling pinakapinipiling presidential candidate si Duterte para sa 2028, nangunguna kay former vice president Leni Robredo na nakakuha ng 34%.
Ayon kay private prosecutor Benjamin Tolosa Jr., mas makabubuting sukatin ang tunay na opinyon ng publiko matapos maiharap ang kabuuan ng ebidensya sa impeachment trial.
“Ang kasikatan, ang popularidad ay hindi kailanman dapat maging lisensya na matakasan ang accountability. Ang mga opinyon ng mga kababayan natin mas dapat alamin natin opinyon nila pagkatapos ng paglatag ng ebidensya, pagnakita na nila ang kabuuhan ng ebidensya. Doon natin tignan ang kanilang opinion,” ani Tolosa sa isang online press conference.
“Malakas ang tiwala namin sa aming ebidensya at tiwala kami pagkatapos makita ng kababayan natin ang lahat ng ebidensya dito sa paglilitis na ito mabubuksan ang mga mata nila,” dagdag niya.
Umabot na sa 13 araw ang impeachment trial sa Senado, kung saan dinidinig ang mga alegasyon ng grave threats ni Duterte laban kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Department of Education at Office of the Vice President.
Isinagawa ang OCTA Research Tugon ng Masa survey mula Hulyo 4 hanggang 11, 2026, kung kailan tatlong araw pa lamang naidaraos ang impeachment trial.
Lumabas din sa survey na bagama’t nangunguna pa rin si Duterte kay Robredo sa hypothetical one-on-one presidential matchup, lumiit ang kanyang lamang kumpara noong unang quarter ng 2026.
Sinabi naman ni House prosecution panel adviser at former Surigao del Norte representative Robert Ace Barbers na walang dapat maging epekto ang popularidad sa impeachment proceedings.
“Before the impeachment trial, our elected officials, whether they got 100 million or one million votes, are not exempted from accountability. The popularity will not in any way affect nor influence, or get in the way of the trial,” ani Barbers.
“We have to focus on the evidence,” dagdag niya.
Iginiit din ni House trial spokesperson Representative Renee Co ng Kabataan Party-list na, “Popularity does not factor in our fight for justice.” RNT