Home NATIONWIDE House-to-house inspection, ipinag-utos sa Pampanga sa pagtunton sa illegal POGOs

House-to-house inspection, ipinag-utos sa Pampanga sa pagtunton sa illegal POGOs

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga sa lahat ng alkalde sa probinsya na magsagawa ng house-to-house inspections laban sa mga illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa kanilang mga lokalidad.

Ayon sa ulat, sinabi ni Pampanga Vice Governor Lilia Pineda na umiikot na sa mga lokalidad ang mga awtoridad mula Linggo.

Ang kautusan ng house-to-house inspection ay inisyu bago pa ang pagsisiwalat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na may nadiskubre silang small-scale scam hubs sa Mexico at Bacolor, Pampanga.

“Hindi pa naman sinasabi nung PAOCC ‘yung intel report nila, in-alarm ko naman lahat ‘yung mga mayors ng Pampanga na lahat ng kapitan, mag-inspection, mag-house-to house sila, tingnan din nila kung may mga POGO pa rin sa mga bayan-bayan nila,” sinabi ni Pineda.

Aniya, lahat ng mga alkalde sa Pampanga ay tutol sa POGO operations.

Mag-iisyu rin umano ang pamahalaang panlalawigan ng resolusyon na magbabawal sa lahat ng POGO sa probinsya.

Iimbitahan din nito ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para magbahagi ng datos kung ano-anong POGO ang inisyuhan ng lisensya.

“Kasi dapat sa kanila talaga magmula… Kasi kaysa ‘yung naghahanap kami, hinahanap namin kung saan, saan nakatago, sila lang ang makakapagpatunay lang talaga niyan,” ani Pineda.

“At sasabihin lang namin kahit wala siyang violation, ‘yung ordinansa namin na hindi na kami pumapayag na may POGO sa Pampanga,” dagdag niya.

Samantala, hiniling nito sa Philippine National Police na tulungan ang barangay officials kaugnay sa illegal POGO operations.

Matatandaan na nasagip ng mga awtoridad ang mahigit 150 foreign nationals mula sa 10 ektarya ng POGO compound sa Porac, Pampanga dahil sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso. RNT/JGC